MAGPAPATUPAD ang gobyerno ng 30-day moratorium sa pagbabayad ng upa para sa residential units sa gitna ng pinaiiral na enhanced community quarantine dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
“For residential properties lang po ito. Hindi ka muna magbabayad sa due date which falls within the quarantine period, pero magbabayad ka pa rin. Kasi nga maraming negosyo ngayon ay sarado, mayroon tayong mga kababayan na walang suweldo sa isang buwan, kaya bibigyan ng palugit,” pahayag ni Trade Secretary Ramon Lopez.
Ayon kay Lopez, ang month-long grace period ay nakasaad sa isang memorandum na ipinalabas ni Executive Secretary Salvador Medialdea sa pagpapatupad ng Bayanihan Law na nagbibigay sa Pangulo ng expanded authority upang i-realign ang national government budget para matugunan ang COVID-19 pandemic.
“Sa batas, dapat may 30-day grace period, at walang karagdagang penalty o interest,” ani Lopez.
Aniya, bumabalangkas ang DTI ng implementing rules and regulations para sa provision na ito ng Bayanihan Law nang sa gayon ay mabayaran ang monthly rental dues para sa residential units na apektado ng moratorium sa installment basis.
“Iyong hindi nabayaran sa grace period, hindi mo iyon ikakarga sa susunod na buwan kasi magiging doble na and it will defeat the purpose of the moratorium,” paliwanag pa ng kalihim.
“We are drafting the implementing rules and regulation on how this suspension of payment will apply. Babalansehin natin kasi inaasahan din ng mga may-ari iyong bayad sa renta. Kaya dapat spread out ang pagbabayad, i-amortize mo, hatiin mo between six to 10 months [ang payment period], unless matatapos na ang kontrata,” dagdag ni Lopez.
Bukod dito, sinabi ni Lopez na ang 30-day moratorium ay angkop din sa bank loans tulad ng car loans at iba pang consumer loans.
“Itong IRR nitong [30-day moratorium], in less than a week, may ruling na tayo [rito],” aniya.