(Sa restructuring ng organisasyon) PNP NAGPASALAMAT SA KONGRESO, NAPOLCOM

IPINAABOT ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Benjamin Acorda Jr. sa Kongreso at sa National Police Commission (NAPOLCOM) ang pasasalamat sa pagsulong ng hakbang na magre-restructure sa organisayon.

Ito’y matapos na aprubahan ng House Committee on Public Order and Safety ang panukalang amiyenda sa Republic Act No. 6975 o Local Government Act of 1990 at RA No. 8551 o PNP Reform and Reorganization Act of 1998, sa pamamagitan ng proposed substitute bill House Bill HBN 8327.

Sinabi ng PNP Chief na ang mga inamiyendahang sa batas ay magbibigay sa PNP ng kaukulang gamit at istraktura para epektibong matugunan ang mga kasalukuyang hamon sa pagpapatupad ng batas.

Nagpasalamat din si Acorda kay dating PNP Chief Ret. Police General Rodolfo Azurin Jr. sa pagtutok sa legislative agenda ng PNP kasama sina Deputy Chief for Administration LtGen Rhodel Sermonia, Director for Personnel and Records Management PMGen Robert T Rodriguez, at Director for Plans MGen Bernard M Banac.
EUNICE CELARIO