NILINAW ng Department of Health (DOH) na hindi nila inirerekomenda ang paggamit ng rapid antibody test kits sa pag-screen ng mga manggagawang babalik na sa trabaho.
Bunsod na rin umano ito ng posibilidad na maging inaccurate ang resulta nito at makapag-contribute pang lalo sa higit pang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa..
Reaksiyon ito ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa pahayag ng pitong medical organizations na nababahala sa pagtaas ng bilang ng mga gumagamit ng rapid antibody test kits na posibleng dahilan nang pagdami pa ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Paglilinaw pa ni Vergeire, simula’t sapul ay ito naman ang posisyon ng DOH sa paggamit ng rapid testing.
Aniya, naglabas pa ang DOH ng guidelines sa paggamit ng rapid testing, gayundin ng return-to-work policy mula nang ihayag ng pamahalaan ang unti-unting pagbubukas ng ekonomiya at payagan ang mga manggagawa na bumalik na sa kani-kanilang trabaho.
“The DOH has always had that position (on rapid testing),” ani Vergeire, sa isang online forum.
Aniya pa, maging ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ay naglabas din ng resolusyon na ang testing ay hindi kondisyon para makabalik sa trabaho ang isang indibidwal.
“Lagi nating ine-emphasize ‘yung rapid antibody test kasi ang dinedetect niyan ‘yung antibody na makikita mo lang to after so many days if you really have the illness. Kung wala ka namang illness wala ka talagang makukuha diyan,” aniya.
“Ang isa pang caveat nitong rapid antibody test is that it has been shown with evidence na talagang maraming nagfa-false positive or false-negative with this kind of test. Kaya nga hindi natin siya dapat gamitin for screening,” paliwanag pa ng health official.
Nauna rito, sa isang joint statement, nagbabala ang Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases, Philippine College of Physicians, Philippine Medical Association, Philippine College of Chest Physicians, Philippine Pediatric Society, Philippine College of Occupational Medicine at Philippine Society of Public Health Physicians laban sa patuloy na paggamit ng rapid antibody tests para gamiting clearance ng mga manggagawa para makabalik sa trabaho dahil maaari itong magresulta na ma-clear sa virus ang isang infected na indibiduwal at makapagkalat pang lalo ng virus. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.