(Sa sakripisyo at pagmamahal ng ina) ANAK NA MAY POLIO NAGTAPOS SA KOLEHIYO

PAGMAMAHAL at sakripisyo ng nanay sa kanyang anak na babae na may kapansanan ay hindi masusukat at walang hangganan, makapagtapos lamang ng pag-aaral sa high school at college level sa munisipalidad ng Alabel, Saranggani.

Kakaiba ang dinanas na sakripisyo at pag-ibig ni Crestina Lee sa kanyang anak na si Jaylen Lee na kanyang kinakarga patungong eskuwelahan araw-araw para mag-aral kung saan nakapagtapos naman ng se­nior high school noong 2018.

Sa video na nag-viral sa social media noong 2018, di mabilang ang nakasaksi at naluha kay Jaylen na karga ng kanyang nanay na bakas sa mukha ang walang sukuan at sakripisyo patungo sa eskuwelahan para sa graduation ceremony ng senior high.

Bukod sa high school diploma na ibinigay kay Jaylen, ay nakapagtapos din sa college sa kursong Bachelor of Science in Office Administration degree sa Primasia Foundation College, Inc. sa Purok 2, Brgy. Poblacion sa nasabing bayan.

Naging huwaran at inspiration si Jaylen ng mga kaibigan at classmates dahil sa taglay nitong determinasyon na makapagtapos ng college degree kung saan isa sa kanyang guro na si Reanne Pagaling ay nagsabing- ” Hindi siya makapaglakad ng maayos pero yung mga grades niya very competetive”.

Napag-alamang si Jaylen ay binigyan ng full scholarship para makapagtapos ng anumang college degree kung saan nakatanggap din ito ng monthy stipend mula sa Office of the Munucipal Mayor ng Alabel.

Madamdamin ang naging pahayag ni Jeylen na hindi niya makakamit ang tagumpay na makapagtapos ng Grade 1 hanggang Grade 12 at college level kundi dahil sa kanyang nanay na nagsakripisyo sa nakalipas na school year.

“Una sa lahat pinapasalamatan ko ang Panginoon dahil ikaw ang aking ina. Kapos man ako sa materyal na bagay pero mayaman ako sa iyong pag-aalaga, suporta at pagmamahal.” Dagdag ni Jaylen.

“Ginawa mo ang lahat para makapasok lang ako sa paaralan. Nagtatrabaho ka sa iba para lang may makain ako sa school. Proud ako na kayo ang aking mga magulang, hinding-hindi ko kayo ikakahiya.

Gagawin ko ang lahat upang hindi masayang lahat ng iyong pagsasakripisyo para sa akin,” lumuluhang bigkas ni Jaylen.

Nabatid na si Jaylen ay tumitimbang ng 44 kgs na katumbas ng isang sakong bigas kung saan ang daily routine ay tumawid ng ilog sakay ng kanilang kabayo para makarating sa school.

Naalala ni Crestina na si Jaylen ay ipinangnanak na normal, subalit dinapuan ng polio noong 8-anyos pa lamang kaya naapektuhan ang kanyang mga kamay at paa. Ang kanyang tatay naman ay polio victim din at hindi makapaglakad ng malayo. MHAR BASCO