INIULAT ng San Lazaro Hospital sa Maynila na pumalo na sa 60 ang bilang ng mga pasyente nilang nasawi dahil sa tigdas.
Tatlo pang batang pasyente ang pinakahuling biktima, at isang tatlong taong gulang na paslit ang namatay nitong Huwebes ng gabi lamang, dahil sa kumplikasyon ng tigdas.
Ayon kay Dr. Ferdinand de Guzman, tagapagsalita ng pagamutan, inaasahan na nilang lalo pang darami ang bilang ng mga pasyenteng isusugod sa pagamutan lalo na at nasa kalagitnaan pa lamang ngayon ng peak season ng tigdas.
Kinumpirma rin niya na nitong Biyernes ng umaga ay isang 1-taong gulang na paslit pa ang nasa kritikal na kondisyon dahil sa sakit ngunit tiniyak na ginagawa ng kanilang mga espesyalista ang lahat upang maisalba ang buhay nito.
“Nasa kalahati pa lang tayo ng season actually ng fever rashes so expect po na magi-increase po iyan,” ani de Guzman.
Aniya pa, ngayong 2019 ay tumaas na ng 300 hanggang 400 porsiyento ang bilang ng mga pasyente ng tigdas na isinugod sa kanilang pagamutan, kumpara sa kahalintulad na panahon noong 2018.
Matatandaang una nang nagdeklara ang Department of Health (DOH) ng measles outbreak sa Metro Manila, gayundin sa mga rehiyon ng Calabarzon, Central Luzon, Western Visayas at Central Visayas. ANA ROSARIO HERNANDEZ
TIGILAN NAANG SISIHAN
IGINIIT ni Senate blue ribbon committee chairman Richard Gordon na tigilan na muna ang sisihan at tutukan ang lumolobong bilang ng may tigdas sa bansa.
Ito ang naging payo ni Gordon na siyang nag-iimbestiga sa kontrobersiyal na dengue vaccine o Dengvaxia procurement.
Anang senador, hindi dapat makahadlang sa pagtugon sa problema ang bangayan nina Health Secretary Francisco Duque III at Public Attorney’s Chief Persida Acosta.
Binigyang diin ni Duque na marami ang natakot magpabakuna nang ipakalat ni Acosta ang hindi berepikadong impormasyon na may namatay sa dengue vaccine, bagay na hindi pa naman daw napatunayan.
Dahil dito, sinabi ni Gordon na magtulong-tulong muna sa pagresolba ng isyu at kasuhan na lang kung may sapat nang ebidensiya sa mga nagpaba-ya ukol sa isyu ng Dengvaxia. VICKY CERVALES
Sa measles outbreak sa PH
AUSTRALIA NAGLABAS NG TRAVEL WARNING
DAMAY na rin umano ang imahe ng Filipinas dahil sa measles outbreak nang magpalabas ng travel advisory ang Australia sa kanilang mga ma-mamayan na narito na o nagbabalak bumiyahe patungo sa bansa.
Nagpalabas ng measles warning ang health department sa Western Australia sa kanilang citizens matapos na isang residente sa Perth ang nahawa ng tigdas habang nagbabakasyon sa Filipinas.
Ayon sa lumbas na report sa The West Australian, ang nasabing residente ng Perth ay bumiyahe sakay ng Singapore Airlines flight noong Enero 29, 2019.
Sinasabi sa travel warning na ang mga malalantad sa sakit na tigdas ay delikado ang kalusugan lalo na kung hindi sila nabakunahan.
Nabatid pa na nagsasagawa rin ng tracing sa mga taong nakasakay ng nahawang Australyano na nasa parehong flight noong araw na iyon, kabilang ang mga bumista sa Coles at Raine Square noong umaga ng Enero 30.
Pinayuhan ang mga hinihinalang nagkaroon ng contact sa nasabing pasahero na magpatingin o obserbahan ang kanilang mga sarili hinggil sa posibleng sintomas ng tigdas hanggang sa katapusan ng Pebrero.
Samantala, sinasabi ng Department of Health (DOH) na maaring wala pang sintomas ng sakit ang bata nang umalis ito sa Filipinas noong Enero 28 at ang sintomas ay lumitaw na lang nang siya ay na sa Australia na.
Sinabi ng World Health Organization na ang mga sintomas ng tigdas ay tumatagal ng 10 hanggang 12 araw bago maramdaman.
Kabilang dito ang mataas na lagnat, runny nose, at rashes sa katawan. VERLIN RUIZ