NAKATUTOK na ang tanggapan ng Department of Health (DOH) para sa pagdaraos ng 30th Southeast Asian Games na pormal nang sinimulan sa bansa kahapon at inaasahang magtatapos sa Disyembre 11.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, umaasa sila na magiging disaster-free at injury-free ang naturang aktibidad.
Tiniyak din ng kalihim na handang-handa na para rumesponde sa anumang emergency situation ang kanilang 143 health emergency response teams, na naka-istasyon sa mga pangunahing event venues sa buong panahon ng SEA Games.
Sinabi ni Duque na 56 sa mga nasabing emergency response teams ay naka-deploy sa New Clark City Sports Complex; 32 teams sa Subic Bay Freeport; 32 teams din sa Metro Manila; 21 teams sa Southern Luzon; at dalawang team naman sa La Union.
Aniya, simula noong Nobyembre 25 ay naka-code white alert na rin ang kanilang mga pagamutan sa mga rehiyon ng Ilocos, Central Luzon, Mimaropa, at National Capital Region, at ibababa lamang ang kanilang alerto sa Disyembre 12.
Hindi lamang ang mga DOH Hospitals sa NCR at iba pang rehiyon sa Luzon ang nakaalerto, dahil nakaantabay rin ang health facilities sa mga lokal na pamahalaan.
Maging ang iba pang ahensiya tulad ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, at Bureau of Fire Protection, at mga pribadong ospital ay mayroong health emergency response teams.
Nabatid na sa Rizal Memorial Stadium, may naka-deploy rin namang mga ambulansya at medical teams buhat pa noong magsimula ang football games noong Lunes.
“Rest assured that the DOH medical teams are ready to assist in case of any emergency but we are still hoping for a disaster-free and injury-free competition,” ani Duque. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.