(Sa search and rescue operation) 3 MAJOR SERVICE COMMAND NG AFP KUMILOS

SABAY sabay na kumikilos ngayon ang tatlong major service command ng Armed Forces of the Philippines ( AFP) upang pag-aralan ang extent ng damages na idinulot ng Bagyong Odette sa Visayan at Mindanao region.

Sa report na ibinahagi ni AFP chief of staff Gen Andres Centino, simula pa nitong Sabado ay nagsasagawa na ng survey ang Philippine Army, Philippine Navy at Philippine Air Force at maging ang Philippine Coast Guard .

Ito ay kasunod na rin ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na nauna nang nagsagawa ng aerial inspection sa mga nawasak ng bagyo.

Ayon sa Office of Civil Defense at National Disaster Risk Reduction Management Council, libo libong sundalo pulis coast guard at maging mga kagawad ng Bureau of Fire Protections ang naka deploy ngayon para tumulong sa isinasagawang search and rescue efforts sa mga worst-at hardest hit areas sa buong kapuluan.

Ayon kay Army commanding Gen LtGen Romeo Omet Brawner, abalang abala ngayon ang kanilang mga engineering battalion sa paglilinis ng mga kalsadang naapektuhan ng landslides at natambakan ng basura dala ng mga pagbaha para mapabilis ang paghahatid ng relief goods ng mga ahensiyang nagsasagawa ngayon ng humanitarian and disaster relief operation .

Unang ng dineploy ng Philippine Army sa pamamagitan ng kanilang mga unified command at infantry division ang kanilang mga heavy machinery gaya ng backhoes at front-end loaders para sa road clearing operation.

Kahapon inihayag ni Army Spokesman Col. Xerxes Trinidad na ipinag-utos ni Brawner na paigtingin ang humanitarian assistance and disaster-response missions para sa mga biktima ng bagyong Odette sa Visayas.

Ayon kay BGen Oliver Vesliño, Acting Commander ng 4th Infantry (Diamond) Division,nag-shift ang 4th ID sa HADR operations matapos na lumakas at manalasa si Odette sa kanilang lugar lalo na sa bahagi ng Caraga region, Misamis Oriental province at Cagayan de Oro City .

Nakipagsabayan din ang Philippine Navy sa Philippine Air Force sa pagsasagawa ng aerial inspection kahapon upang mapag aralan kung paano mapapabilis ang kanilang HADR operation .

Ngayong Lunes, bibiyahe ang isang barko ng Philippine Navy na may kargang relief goods at mga kagamitan patungong Bohol na nasa ilalim ngayon ng state of calamity at isa sa mga napinsala ng husto.
VERLIN RUIZ