INILUNSAD kahapon ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang “Tiktok” virtual dance challenge kaugnay sa selebrasyon ng Kapaskuhan sa lungsod.
Sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na ang “Tiktok” virtual dance challenge ay bahagi ng isang programa ng lokal na pamahalaan upang makapagdulot sa mga residente ng lungsod ng kahit na konting kaligayahan sa darating na Kapaskuhang gayundin upang mabawasan sa kasalukuyan ang pagkabalisa ng mga tao dahil sa idinulot ng COVID-19 pandemic.
Bukod dito, sinabi rin ni Calixto-Rubiano na ang lokal na pamahalaan ay mamamahagi din ng Christmas gift bags sa lahat ng mga residente sa lungsod.
Ayon pa kay Calixto-Rubiano, maaring sumali sa patimpalak na “tiktok” virtual dance challenge ang solong kalahok o isang grupo na may hanggang apat na miyembro lamang at ang tugtog na kanilang gagamitin ay ang “Pasay Travel City” song.
Ang mga kalahok na nais magsagawa ng video recording sa labas ng kanilang bahay ay kailangan din na sumunod sa health guidelines ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Nagsimulang tumanggap ng “tiktok” virtual dance challenge video ang lokal na pamahalaan noong Nobyembre 26 samantalang ang deadline ay magtatagal na lamang ng hanggang Disyembre 14.
Tatanggap ang mga magwawagi ng premyong P20,000 para unang puwesto; P10,000 para sa ikalawang puwesto habang P5,000 ang premyong makakamit ng ikatlong puwesto.
Magkakaroon din ng mananalo ng tinatawag na people’s choice award na madedetermina sa pamamagitan ng may pinakamaraming likes at hearts sa social media na mabibigyan din ng premyong P5,000.
Sa mga nais pang sumali sa naturang pa-contest na “tiktok” virtual dance challenge ay maaari pang magsumite ng kanilang mga entry ng hanggang alas 5:00 ng hapon na lamang ng Disyembre 14. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.