MAS matinding parusa sa law enforcers na magsisinungaling sa Senate inquiry ang nais ni Senador Robin Padilla.
Iginiit ni Padilla na dapat makulong, masuspinde at patawan ng civil penalties ang mga law enforcer na magsisinungaling sa inquiry ng Senado.
Ang pahayag ay matapos sabihin na ang pagkakakulong sa pitong pulis—na iniugnay sa kontrobersyal na P6.7-bilyong shabu haul sa Maynila noong nakaraang taon—sa loob ng gusali ng Senado ay parang nakatira sa isang hotel.
“Di naman totoong kulungan ‘yan, parang hotel lang ‘yan…Sinasabi ko kay [Senate president] kailangan meron na tayong matibay na hawak-hawak na sinasabi ng batas kung papaano parurusahan ang mga sinungaling na ito,” ani Padilla.
Nagpahayag ng pagkadismaya si Padilla sa 2021 na batas na nagpapataas ng parusa sa perjury.
“Kailangan magkaroon ng batas na sinasabi na hindi sila pwede ditong magsinungaling… Kaming mga senador ay elected officials…tapos itong isang taong ito gagawin lang tayong gago, pagiikut-ikutin tayo? Di pwede,” pagpapatuloy niya.
“Dapat may pagkakakulong talaga. Pangalawa, ‘pag napatunayan nagsinungaling … halimbawa nagsinungaling siya sa amin, kailangan suspindihin agad ‘yan sa serbisyo…at sisingilin ‘yan kung anong ginastos ng taumbayan sa kanya kailangan bayaran niya. Di lang criminal case kailangan may civil case din yan. ‘Di natin puwedeng pagaanin ang parusa sa mga taong nagbigay ng oath,” ayon pa sa mambabatas.
LIZA SORIANO