BINIGYANG diin ni San Juan City Mayor Francis Zamora na libre ang pag paparking ng mga sasakyan sa loob ng Pinaglabanan Shrine sa mga nag jo-jogging sa umaga, partikular sa mga senior citizen at lehitimong taga San Juan na may dalang sasakyan.
Subalit, ito ay may takdang oras hanggang alas-8 ng umaga lamang na naaayon sa batas na ipinatutupad.
Dagdag pa ng Alkalde, kailangan sundin lamang ang ipinatutupad na ordinansa ng lungsod pagdating sa pagpaparking ng mga sasakyan sa palengke at ibat-ibang establisimiento sa lungsod partikular sa paligid at sa loob ng Pinaglabanan Shrine.
Samantala, tiniyak ni Zamora na mas lalo pang paiigtingin ang pagmomonitor sa mga iligal na paninda sa Greenhills.
Ito ay matapos tawagin ng US na “Piracy Hub” ng Pilipinas ang Greenhills shopping center.
Kinausap na rin ni Zamora ang mga may-ari ng mga stall na tigilan na ang pagbebenta ng mga iligal na produkto.
Ayon pa sa Alkalde, ipatutupad nila ang buong puwersa ng batas sakaling hindi sumunod ang mga may-ari nito.
Dagdag pa nito, patuloy nilang babantayan at hindi hahayaan ang mga nagtitinda na lumabag pa sa batas. ELMA MORALES