INIHAYAG ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na inatasan siya ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na alamin ang mga evacuation centers na pansamantalang masisilungan ng mga pamilyang sinalanta ng bagyong Florita.
“Kanina ho galing kami sa Cabinet meeting, ito nga ang binilin niya, so ensured na talagang naka-monitor at naka-identify na po ang mga evacuation centers dito and just like the DSWD (Department of Social Welfare and Development), we are in constant touch with our local government unit partners na nasa baba po,” ayon kay Abalos sa ginanap na cabinet meeting sa Malacanang.
“Lahat naman po ito, in place naman po ‘yung gagawin po rito. Of course, nandiyan na ‘yung pagkain, nandiyan na ‘yung tubig, lahat po ‘yan nakahanda na rin,” dagdag pa ng kalihim.
Dahil sa pananalasa ng bagyong Florita, sinuspinde ng Pangulo ang pasok sa mga gobyerno at sa lahat ng levels sa mga pampublikong paaralan mula Martes hanggang Miyerkules sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan gaya ng Cavite, Laguna, Rizal, Bulacan, Zambales, at Bataan.
Sa pinakahuling ulat ng PAGASA bandang alas-10:30 kahapon ng umaga, ang bagyong Florita ay nag-landfall sa bisinidad ng Maconacon, Isabela. EVELYN GARCIA