(Sa singil sa koryente, tubig) DAGDAG DISKUWENTO SA SENIORS

APRUBADO na sa House Ways and Means Committee ang panukala na naglalayong taasan ang discount na ipinagkakaloob sa senior citizens sa kanilang buwanang konsumo sa koryente at tubig.

Ang substitute bill sa House Bills 1903 at 3040 ay inaprubahan sa panel meeting kahapon. Layon nito na amyendahan ang Republic Act 7432, as amended, o mas kilala bilang Expanded Senior Citizens Act of 2010.

Sa ilalim ng panukala, mula limang porsiyento ay gagawing 10 porsiyento ang ibinibigay na diskuwento sa unang 150 kilowatt hours sa konsumo sa koryente ng senior citizens.

Mas mataas na diskuwento naman ang ipagkakaloob sa unang 50 cubic meters na konsumo sa tubig.

Ililibre na rin sa value added tax (VAT) ang singil sa buwanang konsumo ng mga senior citizen.

“The grant of a minimum 10% discount relative to the monthly utilization of water and electricity supplied by the public utilities and exemption from the value added tax: Provided, that the individual meters for the foregoing utilities are registered in the name of the senior citizen residing therein: Provided, further, that the monthly consumption does not exceed 150 kwh of electricity and 30 cubic meters of water,” nakasaad sa panukala

“Provided furthermore, that the privilege is granted per household regardless of the number of senior citizens residing therein and that the registered senior citizen continues to live within the household address.”

Sinabi ni Senior Citizen Partylist Rep. Rodolfo ‘Ompong’ Ordanes na malaking tulong sa mga nakatatandang populasyon ang dagdag-diskuwento lalo na ngayong nagpapatuloy ang pandemya.