MAKARAANG malinawan kung bakit ginalaw ang kagamitan ng apat na sundalong napatay ng siyam na miyembro ng Jolo Municipal Police sa Sulu, tiniyak ni PNP-BAR Regional Director Police Brig. Gen. Manuel Abu na hindi na nila kakasuhan ang mga sundalong nasapol sa closed-circuit television (CCTV) na unang rumesponde sa nasabing shooting incident.
Una nang nilinaw ni Army spokesman, Col. Ramon Zagala, kasamahan ng apat na sundalong napatay na sina Maj. Marvin Indammog, Capt. Irwin Manguelod, Sgt. Jaime Velasco, at Cpl. Abdal Asula ang unang rumespondeng kalalakihan.
Ang first responders ay kasamahan ng apat na biktima dahil sinundan ang mga ito ng dalawang miyembro ng Abu Sayyaf Group.
Isa sa mga sundalong rumesponde ay kapatid ni Asula na gumawa pa ng makeshift pillow para sa labi nito.
Inamin ni Abu na inisyal na plano niya sana na kasuhan ng obstruction of justice ang mga sundalo dahil pinakialaman nila ang ebidensya sa crime scene na dapat ay trabaho ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).
Gayunman, nagbago ang kanyang isip nang mapagkasunduan ng liderato ng PNP at AFP na ipaubaya na lamang ang pag-iimbestiga sa kaso sa National Bureau of Investigation (NBI).
Inihayag naman ng Philippine Army, walang naabutang mga pulis sa lugar kaya nakialam na ang kanilang mga tauhan sa crime scene.
Giit naman ni Abu, naroon sa crime scene ang mga pulis, na tumabi lang sa gilid nang magsidatingan ang mga hindi-unipormadong militar para maiwasan ang kumprontasyon. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.