HINILING ng isang kongresista sa pamahalaan na tulungan din ang mga rural bank sa harap ng sunod-sunod na kalamidad na nararanasan ng bansa.
Ayon kay Ako Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin, tulad ng mga magsasaka at mangingisda ay biktima rin ng mga pangyayari ang mga rural bank.
Dahil dito, inihain ng kongresista ang House Bill 4256 na layong amyendahan ang Republic Act 7353 o ang Rural Banks Act of 1992.
Sa ilalim ng panukala, palalawigin ang mandato ng Philippine Guarantee Corporation sa agrikultura habang ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ay binibigyang kapangyarihan na magkaloob ng full insurance subsidy sa mga local farmer na may hanggang tatlong ektaryang lupain, gayundin sa mga mangingisda at livestock raisers.
Dahil sa mas pinalawak na sakop ay magkakaroon ng kakayahan ang mga rural bank na magbigay agad ng ayuda sa mga magsasaka at mangingisda.
Tinukoy rin ng kongresista na mahalagang palakasin at itaas ang capitalization ng PhilGuarantee at PCIC.
Umapela rin si Garbin sa gobyerno at private lenders na alukin ng loan payments relief at debt restructuring ang mga biktima ng kalamidad.
Pinakikilos naman ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magpatupad ng temporary regulatory relief sa mga rural bank na apektado ng pagsabog ng Bulkang Taal at iba pang lalawigan na nakaranas ng bagyo at sunod-sunod na lindol. CONDE BATAC
Comments are closed.