(Sa susunod na 12 buwan — SWS survey) 48% NG PINOY KUMPIYANSANG GAGANDA ANG EKONOMIYA

HALOS kalahati o 48% ng Filipino adults ang nananatiling tiwala na gaganda ang ekonomiya ng bansa sa susunod na 12 buwan, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS).

Lumabas sa SWS survey na isinagawa sa pamamagitan ng in-person interviews mula Dec. 10 hanggang 14 noong nakaraang taon na 9% lamang ng mga respondent ang nakikitang sasama ang ekonomiya habang 33% ang ‘neutral’ hinggil sa isyu.

Naitala ang resulting net economic optimism score (percentage of economic optimists minus percentage of economic pessimists) na +40, na itinuturing na “excellent” ng SWS.

Ang Metro Manila ay nagtala ng +47 rate sa net economic optimism, ang pinakamataas sa mga lugar sa bansa, sumusunod ang Mindanao (+45), Balance Luzon (+40), at Visayas (+27).

Ipinaliwanag din ng SWS na ang net economic optimism score ay lumitaw na mas mataas sa mga may educational backgrounds.

Ang college graduates ay may “excellent” rate sa +51 habang ang high school graduates ay may +40. Ang non-elementary graduates ay nagtala ng optimism score na +37 habang ang elementary graduates ay +35.

Ang survey ay isinagawa sa pamamagitan ng in-person interviews sa 1,200 respondents na may edad 18 pataas.

Ang sampling error margins ay ±2.8% para sa national percentages, at tig- ±5.7% sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao.