KALAHATI ng mga Pilipino ang naniniwalang gaganda ang ekonomiya ng bansa sa susunod na anim na buwan, ayon sa Tugon ng Masa (TNM) survey na isinagawa ng OCTA Research.
Lumitaw sa survey na isinagawa noong March 24- 28, 2023 na 50% ng mga respondent ang tiwalang mas gaganda ang ekonomiya ng bansa, mas mataas sa 46% na naitala noong October 2022.
Ang pinakamataas na optimism ay naitala sa Visayas na may 69%, kasunod ang balance Luzon na may 47%, National Capital Region (NCR) na may 46%, at Mindanao, 43%.
Pagdating sa socioeconomic classes, ang pinakamataas na optimism ay nairehistro sa Class D na may 51%, kasunod ang Class E na may 50%, at Class ABC na may 44%.
Lumitaw pa sa survey na ang Cordillera Administrative Region (CAR) ang nagposte ng pinakamataas na percentage na may 79%, habang ang pinakamababa ay sa Soccsksargen na may 12%.
Nasa 6% naman ng respondents ang nagsabing naniniwala silang lalala ang ekonomiya sa susunod na anim na buwan, mas mababa kumpara sa 10% ng pessimists sa survey na isinagawa noong October 2022.
Ang pinakamalaking porsiyento ng pessimists ay naitala sa Mindanao na may 11%, kasunod ang NCR na may 7%, balance Luzon na may 5%, at Visayas, 3%.
Ang pinakamataas na porsiyento ng pessimists ay nasa Class ABC na may 11%, kasunod ang Class E na may 8%, at Class D, 5%.
Lumabas din sa survey na 40% ng mga respondent ang naniniwalang walang magiging pagbabago sa ekonomiya sa susunod na anim na buwan, habang 4% ang hindi optimistic o pessimistic.