Sa susunod na Kongreso na aaksiyunan – SUSPENSIYON NG FUEL EXCISE TAX

DAHIL tapos na ang 18th Congress ay sa susunod na Kongreso na itutulak ang panukalang pagsuspinde sa excise tax sa mga produktong petrolyo.

Ayon kay Deputy Speaker Rufus Rodriguez, ihahain niya agad sa pagpasok ng 19th Congress ang panukala para suspindehin ang fuel excise tax.

Kapag naging batas, pansamantalang matitigil ang pagpapataw ng excise tax sa diesel, gasolina, cooking gas, at iba pang oil products sa loob ng apat na taon.

Tiwala si Rodriguez na magbibigay ng kaluwagan sa mga Pilipino ang suspensiyon sa excise tax sa langis, lalo na mula sa epekto sa ekonomiya ng COVID-19 pandemic at ng giyera ng Ukraine-Russia.

Nasa P6 ang maibabawas sa presyo sa kada litro ng diesel, P3 sa kada kilogram ng LPG, P5 sa kada litro ng kerosene at P5.65 sa kada litro ng gasolina.

Ibinabala pa ng mambabatas na asahang tataas pa ang presyo ng langis bunsod ng desisyon ng European Union na i-ban ang 90 porsiyento ng oil imports nito mula sa Russia hanggang sa katapusan ng taon. CONDE BATAC