IPATUTUPAD ng Toll Regulatory Board (TRB) ang tatlong malalaking toll road projects na inihain ng San Miguel Corp. (SMC) sa susunod na taon, ayon kay TRB Executive Director Alvin A. Carullo.
“By 2025, hopefully we can implement these three projects,” pahayag ni Carullo sa isang transport forum kamakailan.
Kabilang sa mga proyektong ito ang Northern Access Link Expressway (NALEX) na nagkakahalaga ng P148.30 bilyon, Southern Access Link Expressway (SALEX) na may halagang P152.39 bilyon, at ang Segment 1 ng South Luzon Expressway (SLEX) TR5 na nagkakahalaga ng P28.15 bilyon.
Ayon kay Carullo, ang mga proponent ng proyekto ay nakapagsumite na ng kanilang final engineering design (FED) na kasalukuyang sinusuri ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na siyang teknikal na sangay ng TRB.
“They have already submitted their FED, we will submit it to the DPWH, which is TRB’s technical arm,” ani Carullo.
Samantala, sinabi ni Carullo na ang Pasig River Expressway (PAREX) ay posibleng maantala dahil sa pangangailangang iayon ito sa Pasig River Esplanade ng gobyerno.
“By 2025, I think we can implement at least three or four projects. I think PAREX (Pasig River Expressway) will be last because of some issues,” dagdag pa niya.
Ang SALEX ay isang 40.65-kilometrong elevated expressway network na itinatayo ng SMC Southern Access Link Expressway Corp.
Ang NALEX na pinangungunahan ng SMC Northern Access Link Expressway Corp. ay may dalawang yugto: ang Phase 1 ay isang 136.4-kilometrong expressway na magdurugtong sa Metro Manila, New Manila International Airport at Central Luzon, habang ang Phase 2 ay magpapalawak hanggang Pampanga at Tarlac City.
Ang SLEX TR5 na may habang 417 kilometro ay binubuo ng walong segment, ayon sa datos ng Public-Private Partnership Center. RUBEN FUENTES