OMG, nag-umpisa na nga ang pagsasaboy ng putik, pagpapasama sa imahe at karakter ni Yorme Isko Moreno, at ito ay nanggagaling sa mga kapwa kasama sa city hall ng Maynila — na noon ay taimtim na tinulungan niya.
Trapo raw si dating meyor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, kasi tatakbo uling alkalde ng Maynila, kakontra ang dating bise niya, ngayon ay Mayor Maria Sheilah ‘Honey’ Lacuna-Pangan.
Kasi raw, tinalikuran ni Yorme Isko ang “kapamilyang” si Doktora — na ang ama nito, si dating Manila Vice Mayor Danny Lacuna ang gumiya, naghawi ng landas ni Isko Moreno sa politika ng Maynila.
Wala raw isang salita si Isko na noon, napabalitang tatakbong senador at sa kabila ng pakiusap ni Ate Honey, ito ngayon ay babanggain sa darating na mayoral race sa Mayo 2025.
Itinatali na ng mga kritiko ni Yorme Isko ang pusod niya kay Ate Honey, pero kanino ba dapat ituon ang katapatan sa dating kakampi o sa taumbayan?
Personal interest yata ang tingin ng mga umuupak kay Yorme at hindi ang kung anong kapakanan ng mamamayan na pinangakuang paglilingkuran?
Noong konsehal siya, tumalikod si Isko sa mayorya upang maitama ang nakikita niyang mali, ito ay kahit ang katumbas, sabi nga niya ay ang katapusan ng mga biyayang ipinamumudmod sa mga kakampi.
Kung trapo ang pagtalikod sa mali at ituon ang katapatan sa mamamayang Filipino, ikinasisiya niya sabi ni Yorme na ikapit sa kanya ang tawag na iyon.
KonTRA siya, sabi ni Isko sa mga POlitiko na walang ginawa kungdi ang magsalita at ipako ang mga pangako.
Iyon ang TRAPO, sabi ni Yorme Isko, pero siya noong nakaupo sa cityhall, nagawa niya ang mga ipinangakong pagbabago.
Kung nakita niya na ang mga pakinabang at pagbabago na sinimulan niya sa Maynila ay ipinagpatuloy ng nakaupo ngayon, wika niya, baka hindi niya maisipang tumakbo uling alkalde.
Pero ano ang nakikita ni Yorme Isko: ang dating maganda, maunlad na Maynila, mandin ay tumigil ang ikot ng pagyabong.
Kung sa musmos, imbes na lumaking malusog, nabansot, namayat at kulang na lang dalahin sa intensive care unit.
Ganyan ang tingin ng maraming Manilenyo sa siyudad na mula sa pagiging matipuno sa patnubay ni Yorme Isko, ang Maynila ay kailangan nang isugod sa ICU.
Handa lamang siya, sabi ni Kois, handa lamang siyang makipag-partner sa aniya ay “good” people — mga tao na may magagandang hangad at programa sa kagalingan ng taumbayan.
Ang loyalty niya, tanging sa tao na magtataguyod ng kapakinabangan ng mamamayan.
“Sasama lamang po ako duon sa mga tao na ang nasa isip ay kapakinabangan ng tao, hindi ang kapakinabangan ng (mga) politiko,” sabi niya.
Kung mabuti ang isang politiko at tinupad ang mga sinabi, at ang mga pangako sa bayan, “sasamahan ko sila,” sabi ni Yorme.
E, ang mga nagsasabi na trapo siya, sila pala ang totoong trapo, kasi, hindi sila totoo, maging sa kanilang sarili.
“Kung sa sarili mo ay hindi ka totoo, lalong hindi ka magiging totoo sa tao. Sa mga ganyang tao, hindi ako para maging tapat sayo dahil ang katapatan ko ay sa taumbayan,” sabi ni Yorme Isko.
Sa mga sinabing ito ni Yorme, damang-dama ang frustration niya, at iyon din ang kabiguan, ang hinanakit ng mga taga-Maynila.
Mapapansin, puro atakeng personal ang alam ng kabilang ibayo ng politika ng Maynila.
Kung naging mabuti raw sana ang mga dating kasama sa cityhall, hindi niya pag-iisipang muling bumalik na alkalde ng Maynila.
Pero, kung mali, kung hindi mabuti sa Manilenyo, sabi ni Isko, kahit pa siya ay itinuturing na kapamilya at nakababatang kapatid, “Sorry po, patawad po, hindi ko kayo maaaring samahan!”
May nakikita siya na mali, hindi magandang ginawa at ginagawa, kaya ano ang dapat na gawin?
Sa paniniwala ni Yorme Isko, kung ang isang politiko ay hindi maganda ang trabaho, tama at dapat na punahin, dapat na sabihan na baguhin, at itama, at kung ayaw magbago, ano ang dapat na gawin, dapat hindi suportahan, dapat ay alisan ng kapangyarihang gumawa pa ng mali.
“Pag palpak, itakwil, pag tama samahan, suportahan,” sabi ni Yorme.
Tatakbo siya uling alkalde, kasi ito ang nakikita niya makabubuti sa tao, at sa nakikita niyang malakas na suporta, lalo ang malakas na panawagan na bumalik sa Maynila, e sino siya upang tumanggi.
Real talk lang tayo: kaya panay ang pakiusap ni Dra. Honey na wag nang tumakbo ang kanyang Bro. Isko, kasi alam niya at ng kanyang mga kaayado, mahihirapan sila na manalo sa Mayo 2025.
Yung pagtawag nila kay Yorme na “Trapo,” “No word of honor,” yon ay pantakip sa kakulangan ng tropa ni Doktora.
Kumbaga, smokescreen upang hindi makita ang kanilang kapekean at kakulangan sa serbisyong Manilenyo.
Ang malaking kakulangang ito, ang malaking kapekean, ito ang pupunan ni Yorme Isko sa sandaling siya ay muling maupong alkalde ng Maynila.
Tama ang sika ni Yorme Isko: Sa tao ang katapatan ko, hindi sa politiko.
Real talk, panahon nang mapalitan ang trapo sa Manila City hall.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa [email protected]