(Sa third quarter) FOREIGN DEBT NG PH LUMOBO SA $139.64-B

LUMAKI ang foreign debt ng bansa sa third quarter subalit nasa ‘sustainable’ level pa rin, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Sa datos ng BSP, ang total external debt (EDT) ng bansa ay nasa $139.64 billion hanggang katapusan ng September, tumaas ng $9.46 billion o 7.3 percent mula $130.18 billion hanggang end-June.

Sa kabila nito, ang external debt ratio, na utang bilang percentage ng gross domestic product, ay nananatili sa prudent level sa 30.6 percent sa third quarter mula 28.9 percent sa second quarter, ayon sa BSP.

Sinabi ng central bank na ang gross international reserves (GIR) ay nasa $112.71 billion hanggang end-September.

Kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, ang debt stock ng bansa ay tumaas sa $20.81 billion, o 17.5 percent, mula sa end-September 2023 level na $118.83 billion.

Karamihan sa utang ng bansa ay medium to long-term debts, na 79.4 percent ng kabuuan, o $110.87 billion. Samantala, ang short-term debts ay binubuo ng 20.6 percent o $28.77 billion ng total outstanding external debt.

Ang utang ng bansa ay nasa P16.02 trillion hanggang end-October 2024, na P126.95 billion o 0.8 percent na mas mataas noong September.

Ayon sa Bureau of the Treasury, ang pagtaas ay dahil sa paghina ng piso kontra US dollar mula 56.017 noong end-September 2024 sa 58.198 sa end-October 2024.