SA TOTOO LANG

warzone

ANG TAWAGING “sweet­heart deal” o “maanomalya” ang isang taong ekstensiyon ng kontrata para sa isang lotto online system provider ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nang hindi man lamang kinukuha ang panig ng binabanatang ahensiya ay isang katarantaduhan. Kung minsan, lumalabas ang pagka-unprofessional ng ilang kasamahan sa media at alam na kung ano ang tunay nilang intensiyon. Kaya napupulaan ng kabuktutan ang mga tunay na nagtatrabaho at nagtataguyod ng tamang pagbabalita upang maigiya ang publiko para sa pangkalahatang interes.

Ang matindi, hahamunin pa mismo ang isang opisyal ng PCSO na manindigan upang idiin ang isa pang opisyal marahil ay dahil sumisipsip siya sa kanyang hinaha­mon kuno upang mabanatan niya ang kanyang tunay na gustong banatan o siraan. Basurang journo!

Ang nakaka-low marale, ang ilang taong dapat tumulong magpaliwanag upang lubos na maintidihan at para malinaw sa mamamayan kung bakit kailangan ang ekstensyon ng kontrata ay sila pa mismo ang nagsasabing huwag na lamang patulan dahil lilipas din ‘yan. Kung hindi man tanga ang mga ito ay malamang kasama sa pananabotahe. Kung hindi naman ay posibleng kasabwat sila ng mga nang-iintriga sa pamamagitan ng pagli-leak ng impormasyon.

Base sa aking nakuhang dokumento mula sa tanggapan ni PCSO Chairman Anselmo Simeon Pinili at PCSO General Manager Alexander Balutan, pinalawig ng isang taon ang kontrata ng Pacific Online Systems Corporation (POSC) upang mabigyan ng sapat na panahon ang PCSO para muling maisalang nito sa public bidding ang naudlot nitong P10.9 bilyon na proyektong Nationwide Online Lottery System (NOLS). Ang pagpapalawig sa kontrata ay pi­nagdesisyunan ng lahat ng miyembro ng Board of Directors (Board Resolution No. 0229, Series of 2018). Kaya ‘di ko alam kung saan humuhugot ng kapal  ang isang kolumnis­ta at susulsulan pa ang isang miyembro ng board na kuwestyunin ang desisyon e kasama siya sa pumirma sa resolusyon. Bukod diyan, hindi gagawa ng re­solusyon ang board kung walang sapat na batayan gaya ng pahintulot ng Government Commission for Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs), Government Procurement Policy Board, at Office of the Government Corporate Counsel (OGCC).

Ito naman ang epekto kung ititigil ng PCSO ang operasyon ng POSC: P89 milyon kada araw o P2.7 bilyon kada buwan ang mawawalang kita mula sa Lotto; tigil operasyon ang mahigit 8,614 na Lotto outlets at marami ang mawawalan ng trabaho; at walang mapagkukunan ng karagdagang pondo para pambayad sa hospital bill, pang-dialysis, pang-chemo, pang-implant at transplant, at iba pa na mga nangangailangang pasyente.

Ang mainam ay naibaba rin ng PCSO ang Equipment Lease Agreement (ELA) ng POSC mula 7.7% sa 6% na lamang.

Para lubos na maintindihan, gumagana na sana ngayon ang NOLS kung hindi nag-isyu ng temporary restraining order hanggang sa writ of injunction ang isang korte ng Makati City pabor sa isinampang reklamo ng Philippine Gaming and Management Corp. (PGMC), isang lotto online system provider din ng PCSO. Kung kaya natigil ang proseso ng bidding ng NOLS noong unang yugto ng 2017. Dahil dito dinala sa arbitration court ang gusot, pero noong nakaraang Pebrero 2018, ibinasura ng International Chamber of Commerce-International Court of Arbitration ang reklamo ng PGMC. Panalo ang PCSO sa tulong ng OGCC. Nasa Korte Suprema na ang usapin para sa tuluyang pagbasura sa writ of injunction.

Well, sabi nga ng isang opisyal ng PCSO, hindi ura-urada ang bidding ng P10.9B NOLS dahil “back to zero” ito dahil nga sa nangyaring legal na proseso. Aabutin ng 6 hanggang 12 na buwan ang bidding at preparas­yon para lubusang mai-set up ang NOLS.

Email: fetad@yahoo.com

Comments are closed.