MAS malaki ngayon ang tsansa ng maliliit na negosyo na makahiram ng pondo sa mga bangko sa sandaling maging bahagi sila ng isang kooperatiba na accredited ng Credit Surety Fund (CSF).
Binanggit ni Cooperative Development Authority (CDA) senior cooperative development specialist at head of CSF Section of CDA National Capital Region (NCR) Sergio Herrero Jr. ang kahalagahan ng CSF cooperative sa Laging Handa public briefing noong Lunes.
Ayon kay Herrero, ang CSF cooperative ay nilikha sa bisa ng Republic Act (RA) 10744 upang tulungan ang micro, small and medium enterprises (SMEs), maliliit na kooperatiba at non-government organizations (NGOs) na makakuha ng financing sa pamamagitan ng surety cover na ipagkakaloob ng pooled funds mula sa mga bangko, local government units (LGUs) at malalaki at well-managed cooperatives.
Aniya, ang CDA ay nagsasagawa ngayon ng mga serye ng events upang turuan ang LGUs at iba pang stakeholders sa kung paano ia-accredit ng CDA ang mga kooperatiba kada lokalidad na makatutulong sa maliliit na negosyo sa kani-kanilang lugar.
Ayon kay Herrero, ang hakbang ay makatutulong sa maliliit na negosyo na makabangon mula sa epekto ng pandemya dahil papayagan silang magkaroon ng ‘cover’ para sa kanilang hihiraming capital mula sa mga bangko.
“Ang ibig sabihin, parang kolateral ito sa bangko para mapahiram po sila kaagad ng kaagarang puhunan na kakailanganin nila. Pero kailangan muna siyang pumasa sa qualification,” dagdag pa niya.
Sa ilalim ng batas, sinabi ni Herrero na ang isang maliit na negosyo ay maaaring makahiram ng hanggang 10 beses ng halaga na ibinahagi nito sa kooperatiba.
Subalit kung hindi ito makakuha ng endorsement, “the CSF will provide up to five times cover so that a bank will extend a loan to a small business,”
Bukod sa siguradong financing, sinabi ni Herrero na ang isang kooperatiba na accredited ng CDA para sa CSF ay malilibre sa buwis.
PNA