(Sa two-week ECQ) P180-B NAWALA SA EKONOMIYA

Secretary Ramon Lopez-6

TINATAYANG nasa P180 bilyon ang nawala sa ekonomiya ng bansa dahil sa two-week enhanced community quarantine (ECQ), ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez.

Sa isang virtual briefing, sinabi ni Lopez na labis na naapektuhan ang ekonomiya sa ipinatupad na hard lockdown sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal.

Sa pagtaya ni Lopez,  1% ng gross domestic product o GDP ng bansa ang nawala sa ECQ sa Greater Manila area, kung saan nalimitahan ang galaw ng mga tao at negosyo sa essential activities.

“’Yung 1% na ‘yun, kung tayo ay may GDP na P18 trillion… P180 billion ang estimate na nawala sa ating ekonomiya,” aniya.

Magugunitang sa dalawang linggong ECQ — mula Marso 29 hanggang Abril 11 — ay nabawasan ang mga establisimiyentong pinayagang mag-operate at ang itinuturing na essential lamang ang pinayagang magbukas.

Halimbawa, sa mga mall ay essential stores lamang tulad ng groceries at pharmacies ang pinayagang magbukas. Ang mga staycation hotel ay binawalan ding tumanggap ng mga bisita.

Samantala,  pumalo sa 1.5 milyong manggagawa ang nawalan ng trabaho dahil sa dalawang linggong ECQ na ipinatupad sa NCR Plus.

Ayon kay Lopez, bumaba lamang ito nang ibaba sa modified enhanced community quarantine dahil nakabalik sa trabaho ang kalahating milyong manggagawa sanhi ng pagbubukas ng mga negosyo.

Umaasa ang kalihim na makababalik din ang isang milyon pang workers na  nawalan ng trabaho kapag isinailalim na sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila at mga karatig-lalawigan.

One thought on “(Sa two-week ECQ) P180-B NAWALA SA EKONOMIYA”

Comments are closed.