TUMAAS ang kita ng Philippine Ports Authority (PPA) mula Enero hanggang Oktubre ng kasalukuyang taon.
Ayon sa PPA, kumita ang ahensiya ng P20.06 bilyon sa unang 10 buwan ng taon, mas mataas ng 30.19% kumpara sa kinita sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ang pagsipa ng kita ng PPA ay bunga ng mas mataas na bilang ng mga cargo vessel na dumaong sa iba’t ibang seaports sa bansa.
Noong Oktubre, ang kinita ng PPA ay P2.25 bilyon, mas mataas ng 3.19% sa target na P 2.18-B.
Kasabay nito, tumaas din ang paggasta ng PPA mula noong Enero hanggang Oktubre sa P3.60 bilyon, mas mataas ng 46.39% kumpara sa kanilang nagasta sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ito’y dahil sa mataas na paggamit ng badyet para sa pagpapatupad ng mga proyekto ng PPA.
Matatandaang noong 2022, nakatapos ng 69 proyekto ang PPA at sa unang kalahati ng taong 2023, may kabuuang 30 seaport projects na ang natapos para sa unang taon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.
PAULA ANTOLIN