(Sa unang 100 araw ng Marcos admin)COLLECTION GOAL NAHIGITAN NG BIR

NALAGPASAN ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang collection goal nito sa unang 100 araw ng Marcos administration.

Ayon sa BIR, nakakolekta ito ng P426.327 billion mula July hanggang August 2022.

Nahigitan ng ahensiya ang collection target nito na P421.069 billion ng 1.25% o P5.259 billion para sa naturang panahon.

Sa buwan lamang ng July, ang BIR ay nakakolekta ng kabuuang P14.8 billion mula sa major tax reforms, na kinabibilangan ng TRAIN Law sa P1.9 billion, Sin Tax Law sa P5.9 billion, at CREATE Act sa P7 billion.

Nakalikom naman ang ahensiya ng P221.996 million sa ilalim ng Estate Tax Amnesty Program mula sa 7,770 filers para sa mga buwan ng July hanggang August.

Nakatulong din para malampasan ng BIR ang collection goal nito ang pagpapatupad ng Priority Programs.

Sa pagpapalawak ng tax base, napataas ng BIR ang bilang ng registered taxpayers nito ng 510,869 o 11%.

Dahil dito ay umakyat sa 5,144,561 ang kabuuang bilang ng registered business taxpayers hanggang August 2022.