(Sa unang 2 buwan ng 2023)40K INDIGENTS TUMANGGAP NG HIGIT P270-M MEDICAL AID MULA SA PCSO

mahirap

UMABOT na sa higit P270 milyong halaga ng direktang tulong medikal ang naipagkaloob ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa may 40,000 benepisyaryo sa buong bansa sa unang dalawang buwan ng 2023.

“Umaabot na sa halos tatlong daang milyong piso ang naiaambag natin sa ating mga kababayang nangangailangan ng tulong para sa pagpapagamot sa kanilang mga mahal sa buhay sa unang dalawang buwan pa lamang ng taon. Inaasahan natin na mas marami pa tayong matutulungan sa mga susunod na pahahon,” ayon kay PCSO chairperson Junie E. Cua.

Ang datos mula sa state lottery agency ay nagpakita na mula Enero 9 hanggang Marso 3, ang PCSO ay direktang nagbigay ng P271, 301,392 sa humigit-kumulang 39,725 mahihirap na may mga problemang may kinalaman sa kalusugan na humihingi ng tulong pinansiyal sa pamamagitan ng kanilang Medical Assistance Program (MAP).

Ayon sa PCSO, nasa 19,188 benepisyaryo ang nabigyan ng P134,707,967.38 na tulong medikal mula Enero 9 hanggang Pebrero 3; habang P136,593,429.53 na tulong medikal ang naibigay sa 20,537 indigents sa buong bansa mula Pebrero 6 hanggang Marso 3.

Ang MAP ng PCSO ay nagbibigay ng tulong sa mga karapat-dapat na benepisyaryo na may mga problemang may kinalaman sa kalusugan upang dagdagan ang kanilang pondo, sa pakikipagtulungan sa mga gobyerno at pribadong ospital, mga pasilidad sa kalusugan, mga retailer ng gamot at iba pang mga kasosyo.

Ang mga serbisyong sakop ng programa ay ang hospital confinement, erythropoietin (dialysis injection), chemo drugs, mga specialty medicine, hemodialysis, laboratoryo (blood chemistry), diagnostic, imaging procedures, at implant/medical device.

Sa pamamagitan ng Medical Assistance Program nito, nakapagbigay ang PCSO ng mahigit P2 bilyong halaga ng direktang tulong medikal sa mahigit 255,000 benepisyaryo noong 2022.

“Mandato po ng PCSO ang tumulong sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng medical assistance, iba’t ibang institutional partnerships, pamimigay ng mga ambulansya at medical equipment at iba pang mga programa para mas marami pang Pilipino ang makadama ng kalinga ng ating pamahalaan,” ani Cua.

“Sang-ayon na rin po sa direktiba ng ating Pangulong Ferdinand. R. Marcos Jr., patuloy po kaming nagsisikap upang mapaigting ang aming paglilingkod para mapabuti ang kalagayan ng ating mga kababayan,” dagdag pa niya.