(Sa unang 2 buwan ng 2024) PH RICE IMPORTS SUMIPA

TUMAAS ang rice imports ng bansa sa unang dalawang buwan ng taon, ayon sa datos mula sa Bureau of Plant Industry (BPI), isang attached agency ng Department of Agriculture (DA).

Sinabi ng BPI na nakapag-angkat na ang bansa ng mahigit  569,000 metric tons ng bigas ngayong taon, na mas mataas ng 44 percent kumpara sa 394,553 MT sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Mahigit sa 424,000 MT ang dumating noong Enero, habang mahigit 144,000 MT ang dumating sa first half ng Pebrero..

Mas maliit pa rin ito sa 2.4 million metric tons ng rice imports na inaasahan sa unang dalawang buwan ng taon.

Naunang sinabi ng  BPI na ang arrivals ay karaniwang mas mababa sa inaasahang volume dahil ilang shipments ang nade-delay.

Tiniyak din ng DA na may sapat na suplay ng bigas ang bansa upang tugunan ang pangangailangan hanggang sa susunod na harvest season.

Subalit sinabi ng ahensiya na nais nitong umangkat pa dahil sa banta ng El Niño sa rice production.

Hindi pa ganap na nakikita ang epekto ng El Niño sa production volume, ngunit sinabi ng DA na inaasahan nilang napakaliit lamang nito.