(Sa unang anibersaryo ng Dept. of Human Settlements and Urban Development) DISENTE, MABILIS AT MURANG PABAHAY PANGAKO NI PDU30

TFBM chairperson Eduardo del Rosario.

QUEZON CITY – MABILIS, mura at disenteng pabahay ang alok ng pamahalaan batay sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga low income earner.

Ito ang inihayag ni Secretary Eduardo del Rosario, ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at  chairperson ng Pag-IBIG Fund Board of Trustees sa kanilang unang anibersaryo noong Pebrero 14.

Ayon kay Del Rosario, ang kanilang alok na murang pabahay ay kaakibat ng kanilang mandato at pagkatatag ng kanilang departamento batay sa nilagdaang batas ng Pangulo noong isang taon na Republic Act No. 11201.

Alinsunod sa batas, nais ng Pangulong Dutete na magkaroon ng ng tahanan ang 81% na Filipino families sa murang halaga.

“Ang gusto ng ating Presidnte na matulungan ang mga walang bahay na 81 porsiyento ng Filipino at dapat affordable ang bayarin, subalit di­sente at mabilis na mapapasakanila,” ayon kay Del Rosario.

Sinabi pa ni Del Rosario na mandato ng DHSUD na ibigay ang pangangailangan ng Filipino na magkaroon ng tahanan kaya handa sila asistehan ang sinomang maghahangad nito sa mababang interes.

Tiniyak din ng kalihim na chairman din ng Task Force Bangon Marami na on time din ang kanilang pabahay sa mga biktima ng Marawi Siege noong Mayo 2017 gayundin ang rehabilitasyon ng nasabing lungsod.

Maging ang biktima ng pagputok ng Taal Volcano noong Enero 12 ay may tsansa rin na magkaroon ng sariling bahay.

“Mayroong 5,448 housing units na laan ang pamahalaan sa mga biktima ng pagputok ng Taal Volcano na iniutos ng Pangulo, ito  ang mga pabahay sana sa mga sundalo at pulis na hindi na­gamit dahil malayo sa kanilang duty at kung nais ng mga biktima ng Taal ay maaari nilang i-avail,” dagdag pa ni Del Rosario. EUNICE C.