(Sa unang araw bilang alkalde) CAYETANO SUMABAK AGAD SA TRABAHO

AGAD na nagtrabaho si Taguig City Mayor Lani Cayetano at binisita ang mga programa na pangunahing isinusulong ng kanyang administrasyon ang kalusugan, pagpapa-unlad ng ekonomiya at ang katiwasayan at kaayusan sa nasasakupan.

Binisita nito ang Taguig Love Caravan sa Barangay Balagtas Covered Court, Lower Bicutan kung saan maraming Taguigeño ang nakinabang at nabiyayaan ng libreng serbisyong medikal at dental kasama na ang konsulta, wellness checkup, laboratory test, libreng bunot at palinis ng ngipin na inilunsad nito noong 2010.

Ani Mayor Lani, ipagpapatuloy, palalakasin at palalawakin niya ang mga programang pangkalusugan na inumpisahan naman ni dating Mayor Lino Cayetano kasama ang pagpigil sa pagkalat ng COVID-19.

Bilang bahagi ng programa sa pag-unlad ng ekonomiya, binisita ni Mayor Lani ang Work for Pay Orientation na ginanap sa R.P Cruz Elementary School, kung saan mahigit 200 benepisaryo ng programa ang dumalo.

Ang mga dumalo rito ay mula sa mga barangay ng New Lower Bicutan, Lower Bicutan, Hagonoy, San Miguel, Tuktukan at Bambang. Ang proyektong Work for Pay ay para sa mga Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged (TUPAD) Workers ng Department of Local Employment. Layunin nito na tulungan ang mga pamilyang naapektuhan ng pandemya na hindi sakop ng ayuda ng pamahalaang nasyonal.

Ang programang TUPAD ay pinondohan sa ilalim ng batas na Bayanihan 1 at 2, na isinulong ng balik-senado na si Senator Alan Peter Cayetano at Mayor Lani noong sila ay nagsisilbi bilang kinatawan sa Kongreso.

Sa larangan ng katiwasayan at kaayusan, ang nakipag-pulong si Mayor Lani kay Taguig chief of police Robert Baeza at Barangay Captain Pedrito Bermas sa Western Bicutan barangay hall, kung saan inilatag niya ang mga plano upang mapanatili ang kaayusan sa syudad at magpatuloy na taguri bilang safe city.

Gayundin, nilagdaan ni Mayor Lani ang kanyang unang executive order, kung saan ginagawang institusyunal ang faith-based values-oriented leadership sa Taguig sa ilalim ng Executive Order No. 2022-01 Series of 202, ang programang isulong ang moralidad at values formation upang masiguro na lahat ng empleyado ng lungsod ay magsisilbi sa mga Taguigeño ng may katapatan at integridad sa pamamagitan ng “God-centered and people-oriented” na lokal na pamahalaan.

Layon din ng EO na ipatupad ang patas na serbisyo at iwaksi ang anumang korapsyon sa gobyerno.