(Sa unang araw ng tigil pasada) 80% NG METRO TRANSPORT PARALISADO

MAHIGIT sa 80 porsiyento ng pampublikong transportation sa Metro Manila ay paralisado umpisa ng araw ng Lunes ng umaga.

Ayon sa pahayag ng pangulo ng PISTON na si Mody Floranda na hanggang alas-8 ng umaga wala umanong serbisyong pampublikong transportasyon papunta at pabalik ng Cogeo sa Antipolo, San Mateo sa Rizal, Novaliches at Philcoa sa Quezon City, at Monumento sa Caloocan City.

“Inaasahan natin na hanggang mamaya ngayong araw na ito ay aabot tayo sa 100 percent public transport paralyzation hindi lang sa buong Metro Manila kundi maging sa ibang bahagi ng bansa,” ayon kay Floranda sa isang panayam.

Aniya, hindi bababa sa pitong ruta ng jeepney sa Cubao ang paralisado. Ang iba pang lugar na lubhang naapektuhan ng transport strike ay ang Baclaran at iba pang bahagi ng Parañaque City at Alabang.

Sa labas ng Metro Manila, ang mga lalawigang apektado ng transport strike ay ang Cebu, Bacolod, Davao at Panay, ani Florenda.

Nauna nang nagbabala ang Department of Transportation na ang mga driver ng PUV na sasama sa isang linggong transport strike ay nahaharap sa administrative at criminal sanction, kabilang ang pagbawi ng kanilang mga prangkisa. EVELYN GARCIA

LGUs NAGBIGAY NG LIBRENG SAKAY
PARA tiyakin ang kaligtasan at hindi maabala ang mga commuters sa kanilang pupuntahan sa pagsisimula ng unang araw ng tigil-pasada ay agad umalalay at nagbigay ng Libreng Sakay ang mga Local Government Units ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela Cities.

Sa Caloocan, higit 65 na sasakyan ang ipinakalat ng Pamahalaang Lungsod upang magbigay ng libreng sakay sa iba’t ibang ruta sa buong lungsod, maging ang Caloocan City Police sa pamumuno ni P/Col. Ruben Lacuesta ay nagbigay din ng libreng sakay.

Ipinag-utos din ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval sa PSTMO ang libreng sakay para sa ligtas at maayos na paglalakbay ng mga taga-Malabon kung saan 12 na mga saksakyan ang inihanda para sa mga rutang Sangandaan – Tatawid, Malabon – Bayan –Monumento, Malabon – Acacia – Monumento at Gasak – Letre.

Sa Navotas, umarangkada na rin ang libreng sakay ng Pamahalaang Lungsod para sa mga Navoteñong naapektuhan ng tigil-pasada.

“In the instance that the weeklong transport strike push through, we are ready to provide free shuttle services to Navoteños. Our crisis management team have already met and set plans to counter the impact of the activity on our constituents’ work schedules and daily routines,” ani Mayor Joh Rey Tiangco.

Maliban aniya, sa mga sasakyan ng pamahalaang lungsod, nangako rin ang 18 barangay na gamitin ang kanilang mga service vehicle para magbigay ng libreng sakay sa loob ng Navotas.

Samantala, nagpakalat din ang Pamahalang Lungsod ng Valenzuela sa pamumuno ni Mayor Wes Gatchalian ng mga truck at mga E-trikes para umalalay magbigay ng libreng sakay sa mga apektadong commuters sa iba’t-ibang lugar sa lungsod.

Maging ang mga pulis sa Camanava sa pamumuno ni BGen. Ponce Rogelio Peñones Jr.ng Northern Police District (NPD) ay nagbigay din ng libreng sakay para sa apektadong commuters.
EVELY GARCIA/ VICK TANES

TRICYCLES,
PEDICABS SA
STRANDED NA PASAHERO
INATASAN ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang Pasay City Tricycle and Pedicab Franchising Regulatory Office (PTPFRO) na agad na italaga ang mga tricycle at pedicabs sa lungsod upang magamit sa pagtulong sa mga na-stranded na pasahero sa pagsisimula ng isang linggong pagsasagawa ng malawakang transport strike ng mga jeepney drivers.

Ang kautusan ay bunsod ng natanggap na ulat na ala-5 pa lamang ng umaga ay mayroon nang mga na-stranded na pasahero sa biyaheng Cabrera-Libertad at vice versa.

Nauna nang ipinatupad ng PTPFRO ang pagpapatupad ng programang “Juana Ride-Libreng Sakay sa Kababaihan” kung saan may libreng sakay din gamit ang e-trikes ng mga kababaihan gayundin ang mga na- stranded na pasahero sa lungsod alinsunod sa selebrasyon ng “Women’s Month”.

Kasabay nito, nanawagan din si Calixto-Rubiano sa lokal na Traffic Bureau at pulisya para tumulong na rin sa pagbibigay ng libreng sakay sa mga naapektuhang mananakay sa lungsod.

Agad na kumilos ang Pasay City Police kung saan gumamit ng 10 mobile patrols upang mapagsilbihan ang mga naapektuhan ng transport strike sa lungsod.

Ang mga lugar ng may ruta ng libreng sakay ng balikan mula ala-6 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi ay ang Malibay patungong Libertad, Cabrera hanggang Libertad, Malibay papuntang SM Mall of Asia (MOA) at Kalayaan patungong SM MOA. MARIVIC FERNANDEZ

FACE-TO-FACE CLASSES
SUSPENDIDO
SINUSPINDE ng lokal na pamahalaang lungsod ng Pasig ang lahat ng face-to-face classes bunsod ng isinagawang tigil pasada na sinimulan kahapon.

Gayundin, inihayag ng Pasig Public Information Office na naglalaan ang lokal na pamahalaan ng libreng sakay sa mga pangunahing lansangan gamit ang mga bus na pag-aari ng lungsod.

Inaasahan na aabot sa isang linggo ang bantang strike ng transport sector upang ipaabot sa pamahalaan ang kanilang mariing pagtutol sa public utility vehicles (PUV) modernization program.

Aabot umano sa 40,000 PUV drivers sa Metro Manila ang nagpahayag na sasali sa transport strike bilang suporta.

Bago ito, inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kahilingang extension ng transport sector na huwag munang ipatupad ang nasabing programa na na-iskedyul ngayong buwan ng Abril.

Sinabi ng mga opisyal ng LTFRB na ipapatupad nila ang phase out ng traditional jeepney sa Disyembre 31 na.

Batay sa PIO, ang mga ruta kung saan makikinabang sa libreng sakay ang mga papasok sa kanilang trabaho at mga residente na kailangang bumiyahe ay ang Pasig Mega Market patungong Shaw Boulevard (vice versa), Pasig Mega Market patungong Ligaya na dadaan sa Dr. Sixto Antonio Avenue (vice versa), Pasig Mega Market patungong Kalawaan patungong San Joaquin at pabalik ng Market, Pasig Mega Market patungong Ligaya na dadaan sa C. Raymundo Avenue (vice versa),
Pasig Mega Market patungong Dr. Sixto Antonio Avenue patungong Rosario patungong C. Raymundo Avenue pabalik ng Mega Market.

Ang nasabing libreng sakay ay mula ala-5 ng umaga hanggang alas-10 ng umaga, alas-11 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali at alas-3 ng hapon hanggang alas-9 ng gabi.

Sa kabila nito, sinabi ng Department of Education (DepEd) na hindi sila magdedeklara ng class suspension bunsod ng transport strike sa susunod na linggo ngunit binibigyang laya nito ang mga lokal na pamahalaan kung magsususpende o hindi ng klase.

Sinabi ni Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng DepEd na hinihikayat nila ang mga mag-aaral na gamitin ang nakalatag na alternatibong mga pamamaraan na ginamit sa panahon ng pandemya.
ELMA MORALES