(Sa unang araw ng vaccination vs COVID-19) NAGPABAKUNA SA UP-PGH, 125 NA

NASA kabuuang 125 indibidwal ang nagpaturok ng bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa unang araw ng pag-arangkada ng vaccination program ng pamahalaan sa University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) araw ng Lunes.

Ayon kay UP-PGH Director Dr. Gerardo ‘Gap’ Legaspi, na siyang kauna-unahang official recipient ng bakuna sa Filipinas, labis nilang ikinalulugod na may mga nagpaturok ng CoronaVac ng Sinovac.

Ipinagmalaki pa ni Legaspi na sumobra pa nga ang numero ng mga nagpabakuna, kumpara sa mga naunang bilang ng mga nagpalista rito.

Sinabi ni Legaspi na malaking bagay na may matataas na opisyal ang nagpabakuna upang mapataas ang antas ng tiwala ng mga mamamayan sa vaccination program ng pamahalaan.

Ayon naman kay Dr. Jonas del Rosario, tagapagsalita ng PGH, ipagpapatuloy nilang muli ngayong Martes ang pagbabakuna ng kanilang healthcare workers.

Aniya, target nilang makapagbakuna ng 300 indibidwal kada araw.

Nabatid na 1,200 ang doses ng CoronaVac na ibinigay ng DOH sa PGH, ngunit maaaring humingi pa sila ng dagdag na doses kung darami ang mga magpaparehistro at magpapabakuna.

Sa PGH, hindi lamang kasi mga doktor, nurses at medtech ang puwede sa COVID-19 vaccination, kundi maging ang iba pang frontliners, gaya ng mga guwardiya at mga janitor at iba pang staff. Ana Rosario Hernandez

Comments are closed.