(Sa unang bahagi ng Hunyo) PRESYO NG ILANG AGRI PRODUCTS TUMAAS

SUMIRIT ang presyo ng ilang agricultural commodities sa unang bahagi ng Hunyo,  batay sa monitoring ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Ayon sa PSA, kabilang sa tumaas ang presyo ng manok, galunggong, petchay at luya.

Higit  piso ang itinaas ng presyo ng manok na nasa P195.76 ang kada kilo sa unang bahagi ng Hunyo mula P194.35 kada kilo noong Mayo.

Tumaas din sa P195.52 ang retail price ng kada kilo ng galunggong, mula P189.06 noong Mayo.

Nagkaroon din ng pagtaas na hanggang P14 ang presyo ng native petchay na mula P102.98 kada kilo noong Mayo ay umakyat sa P116.87 sa unang bahagi ng Hunyo.

Maging ang presyo ng luya ay patuloy ang pagtaas na naitala sa P185.58 kada kilo, mula sa average retail price na P162.60 kada kilo noong Mayo.

Samantala, bumaba naman ang average retail price ng kada kilo ng mango carabao ng P10, gayundin ang asukal, partikular ang brown sugar.

Una nang tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na nakatutok ito sa mga hakbang para manatiling abot-kaya ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.

PAULA ANTOLIN