ni SUSAN CAMBRI
Educate, Encourage and Engage.
Ito ang apela ng dating mambabatas Jose Lina Jr. sa idinaos na Children’s First 1,000 Days Coalition sa Manila Hotel kamakailan na dinaluhan ng iba’t ibang sektor.
Binigyang diin ni Lina na mahalaga ang tamang nutrisyon sa unang sanlibong taon ng isang bata kaya kailangang magsama-sama ang gobyerno, non-government organization (NGOs) at lahat ng sektor para malabanan ang malnutrisyon.
Nakaaalarma ang ulat na nangunguna ang Pilipinas sa mga bansa sa South East Asia na may mababa ang IQ.
Masidhing hinimok ni Lina ang Executive at Legislative branches ng gobyerno na gumawa ng bagong giyera laban sa malnutrisyon.
Sinusuportahan ng DILG ang kampanya mula Luzon hanggang Mindanao. Nakatakdang lumagda sa isang kasunduan ang koalisyon at ang Department of Interior and Local Government upang siguruhin na magiging matagumpay ang kampanya na ibababa hanggang sa lebel ng mga barangay.
Kabilang sa isasagawa ang pagtuturo sa mga ina o mga magulang ng tama at masustansiyang pagkain, bitamina at iba pang pangangalaga sa mga sanggol.
Ang kasunduan sa NGO, koalisyon at gobyerno ay nakapaloob ang pakikipagtulungan sa loob ng unang sanlibong araw ng buhay ng mga bata.
Target ni Lina sa loob ng sampung taon ay wala nang malnourished na sanggol o bata upang lumaki silang matalino at malakas.
“Kumilos na tayo dahil araw araw ay 6,000 sanggol ang isinisilang,” dagdag ni Lina. Nasa 95 batang Pinoy rin ang naitalang namamatay araw araw habang 4.2 milyong mga nasa edad 5 pababa ang mas mababa o kulang sa height.
Aktibong nakiisa at nanumpa sa Children’s First 1000 days Coalition ang mga doktor, kabilang sina dating DOH Undersecretary Ted Herbosa, Dr. Calimag, presidente ng Philippine Medical Association, midwives, Rotary Club of Makati, Rotary Club of Makati Northeast, Kiwanis, grupo ng mga rider, media, artists at marami pang iba.
MGA NEGOSYANTE NAKIISA
Sa panig ng business sector, sinabi ni Dr. George Barcelon, pangulo ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) na sinisikap nilang makakuha ng maraming investments para makalikha ng maraming trabaho para kumita ang mga Pilipino at maipagkaloob sa pamilya ang tamang pagkain at nutrisyon.
Totoo aniyang mahal ang pagkain natin sa Pilipinas.
Madalas ay itlog ang nakikitang sagot sa kagutuman.
Mahalaga rin na malaman ng bawat pamilya ang unhealthy foods.
Nanawagan ito ng collective action para maging matagumpay ang programa.