UMABOT sa P1.142 trillion ang kabuuang paggasta ng pamahalaan sa imprastruktura sa unang siyam na buwan ng taon, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).
Sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na ang halaga ay mas mataas ng 11.9 percent kumpara sa P1.021 trillion na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Ito rin ay mas mataas ng 41.42 percent kumpara sa P807 billion na ginasta sa imprastruktura noong 2021.
Ayon kay Pangandaman, ang pamahalaan ay gumasta rin ng P595 billion sa imprastruktura noong 2020 sa kasagsagan ng pandemya, at P911.6 billion noong 2022.
“The current spending represents 75.6 percent of the total allocation for infrastructure, set at P1.510 trillion for this year,” sabi ng DBM.
Ang pamahalaan ay umaasa sa infrastructure spending upang pabilisin ang paglago ng ekonomiya ng bansa at makamit ang 6 hanggang 7 percent target growth rate para sa 2024. Ang construction, kapwa pribado at pampubliko, ang major contributor sa 6.4 percent GDP growth rate na naitala sa second quarter ng taon.
Gayunman, ang paglago ng GDP ay bumagal sa 5.2 percent sa third quarter matapos ang magkakasunod na bagyo na puminsala sa agrikultura, turismo, at iba pang serbisyo, at naging sanhi ng pagkakaantala sa construction projects.
Ayon kay Pangandaman, ang bansa ay ‘on track’ na makamit ang growth targets na 5-6 percent infrastructure spending sa ilalim ng Medium-Term Fiscal Framework.
Ilan sa government-funded flagship infrastructure projects na kasalukuyang itinatayo ay ang Metro Manila Subway, North-South Commuter Railway, at ang Kaliwa Dam.
Ang iba pang major infrastructure projects na privately-led o may private participation ay ang LRT-1 Cavite Extension, MRT-7, NAIA rehabilitation project, at ang Bulacan International Airport.