(Sa ‘unauthorized’ rice sale) ACTING NFA CHIEF SINUSPINDE NG OMBUDSMAN

SINUSPINDE rin ng Ombudsman ang acting chief ng National Food Authority (NFA) dahil sa umano’y hindi awtorisadong pagbebenta ng rice buffer stocks ng ahensiya, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Sinabi ng DA na sinuspinde ng Ombudsman sina Piolito Santos, na itinalagang  acting NFA administrator noong nakaraang linggo, at Jonathan Yazon, acting department manager for operation and coordination ng NFA.

Noong nakaraang linggo ay ipinag-utos ng Ombudsman ang preventive suspension ni NFA administrator Roderico Bioco at ng mahigit sa 100 empleyado ng ahensiya dahil sa umano’y paluging pagbebenta ng rice buffer stocks.

“The preventive suspension would allow the Ombudsman to secure all documents and other evidence relating, but not limited to, the sale of rice buffer stocks that is greatly disadvantageous to government,” ayon kay DA Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr.

Dahil sa suspensiyon, muling kukunin ni Laurel ang pamumuno sa NFA.

Itinalaga rin ni Laurel si Director IV Larry Lacson bilang officer-in-charge deputy administrator ng NFA upang matiyak ang patuloy na operasyon ng  DA.