INIHAYAG ng Department of Agriculture (DA) na tutulong sila na maibenta ang higit sa 160 tonelada ng highland vegetables o mga gulay na galing ng bundok ang target na ngayong Enero sa pamamagitan ng Veggie Connect ng KADIWA at iba pang market linkage programs ng naturang ahensiya.
Ayon kay Agriculture Sec. Tiu Laurel, bahagi ito ng tulong sa mga magsasaka na nakaranas ng hamon ng overproduction sa kanilang mga pananim ngayong buwan.
Sa ulat ng DA-CAR kay Laurel, nasa kabuuang 163,189 na kilo ng gulay ang naibenta at ibebenta hanggang Enero 26.
Pananim ito ng 93 magsasaka na aalalayan ng DA mula sa mga lalawigan ng Mt. Province, Benguet at Ifugao.
Aniya, nagsimula ang Kadiwa Veggie Connect sa pamamagitan ng kolaborasyon ng Cordillera Association of Regional Executives (CARE) upang tulungan ang DA na i-monitor ang supply ng mga gulay at mga hindi nabentang mga ani partikular ang repolyo at Chinese cabbage na bumagsak ang presyo dahil sa sobra-sobrang supply.
Una nang inihayag ni Laurel na nais nitong mapalawak ang market access para sa mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng kanyang 8-point plan na layong imodernisa ang agrikultura, mapaangat ang food production at food security.
“It’s our goal to make agriculture a profitable venture for millions of farmers, fishermen and others in the value chain. By helping them bring their products directly to market, we’re not only helping agriculture workers and entrepreneurs but providing consumers access to lower-priced food products,” anang kalihim.
EVELYN GARCIA