BAGAMA’T halos magkadikit sina Sen. Cynthia Villar at Sen. Grace Poe sa pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS) na isinagawa limang buwan bago ang midterm elections, maraming naniniwala na mangunguna pa rin ang anak ng yumaong aktor na si Fernando Poe, Jr. (FPJ) sa nalalapit na halalan.
Para kay STORM Consultants strategist Perry Callanta, malaki pa rin ang batak ni FPJ kaya ang senadora pa rin ang iboboto ng mga tagahanga ni “Da King,” lalo sa Visayas at Mindanao.
“Performance wise, maganda ang mga nagawang batas ni Sen. Grace Poe tulad ng 10 taong validity ng ating pasaporte at drivers’ license at ang libreng feeding program para sa public elementary schools,” ani Callanta. “Dagdag pa rito ang kanyang pet bill na First 1,000 Days Program na nilagdaan kamakailan ng Pangulong Duterte para sa mga buntis at nutrisyon ng lahat ng bata hanggang two years old.”
Nakakuha si Villar ng 62 porsiyento (%), katumbas ng tinatayang 37 milyong boto, kadikit si Poe na nagtamo ng 60% o tinatayang 36.4 milyong boto sa survey sa 1,500 katao na tinanong nang harapan na isinagawa mula Disyembre 16 hanggang Disyembre 19.
“Kitang-kita sa survey ang lakas ni FPJ at impluwensiya ng TV series na ‘Probinsiyano’ ng ABS-CBN kaya umangat din sa survey ng SWS si Lito Lapid,” dagdag ni Callanta.
Magkakapantay sina Taguig Rep. Pia Cayetano, Sen. Sonny Angara at Sen. Nancy Binay, na pawang nakakuha ng 40%. Solong pang-anim naman ang aktor at dating senador na si Lito Lapid na nagtamo ng 38%, nasa No. 7 si dating senador Bong Revilla at No. 8 at No. 9 sina Sen. Aquilino Pimentel III at dating senador Jinggoy Estrada na kapwa nakakuha ng 43% voting preference.
Nasa No. 10 spot si dating senador Mar Roxas na may 28% kasunod si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos na may 27%. Pumuwestong ika-12 si Sen. Joseph Victor Ejercito na may natamong 27% katumbas ng mahigit 15 milyong boto.
Nasa 13th at 14th places sina dating senador Serge Osmeña at Sen. Paolo Benigno Aquino IV.
May margin of error na plus o minus three percent ang survey ng SWS na kadalasang nagiging basehan sa pagboto ng mga mamamayan sa nalalapit na halalan.
Comments are closed.