TAYONG mga Katoliko ay nagpapasalamat dahil sa wakas, tayo ay mapalad na makakapagdiwang ng Mahal na Araw sa loob ng ating mga simbahan ngayong taon. Pagkatapos ng dalawang taon na online lamang ang mga aktibidad sa Semana Santa, medyo malapit sa mga nakasanayang pamamaraan ang magiging pagdiriwang natin ngayong 2022. Sana ay samantalahin ng lahat na makasali sa mga aktibidad sa simbahan, makapagdasal nang taimtim, at pahalagahan ang pagkakataong makasama ang bawat isa.
Ang mga taong magtitipon ay kinakailangang sumunod sa minimum health requirements na inilatag ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa ilalim ng Alert Level 1: pagsusuot ng mask, pagche-check ng body temperature, physical distancing, at madalas na pagdidisinfect. Ang mga espasyo ay hindi rin dapat punuin at maaaring hilingin sa mga tao ang kanilang proof of full vaccination. Napakahalaga pa rin ng pag-iingat kahit mababa na ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ang ilang mga simbahan kagaya ng Manila Cathedral ay mayroong LED screens at sound system sa labas ng simbahan para sa mga taong hindi makakapasok sa loob. Ang komunyon ay ibibigay rin sa mga nasa labas. Ang ibang mga simbahan naman ay magla-livestream ng kanilang mga aktibidad at misa sa kanilang mga Facebook page.
Ito ay paanyaya para sa ating lahat na alalahanin ang mga paghihirap at sakripisyo ni Hesus ngayong Semana Santa, at magnilay-nilay tungkol sa papalapit na eleksyon.
Nawa’y isapuso natin na ang kinabukasan ng ating mga anak ang nakasalalay sa ating pagboto, kaya’t nararapat lamang na pumili tayo para sa kapakanan ng bayang Pilipinas.
(Itutuloy…)