DAVAO DE ORO- SUPENDIDO ang klase sa lahat ng antas sa ilang bayan sa lalawigang ito dahil sa walang tigil na pagbuhos ng malakas na ulan bunsod ng shear line.
Una nang binigyan ng pahintulot ni Davao de Oro, Gov. Dorothy P. Montejo- Gonzaga ang local chief executives na magdeklara ng suspensiyon ng klase at trabaho dahil sa epekto ng sama ng panahon.
Kabilang sa mga nagsuspende ng klase ay ang bayan ng Mabini, New Bataan, Compostela, Nabunturan, Monkayo, Montevista, Maco, Mawab, at Maragusan.
Habang suspendido rin ang trabaho sa government offices sa New Bataan, Compostela, Maco, Mawab, at Maragusan.
Patuloy naman na pinag-iingat ng provincial government ang publiko sa posibilidad ng landslide at pagbaha.
Naglabas na rin ng Orange Rainfall Warning ang Pag-asa sa Davao de Oro at Davao Oriental na nagbabanta ng matinding pag-ulan, pagbaha at pagguho ng lupa. EVELYN GARCIA