NAISUKO ni Carlo Biado ang kanyang World 9-Ball title makaraang yumuko kay German rival Joshua Filler sa finals ng 2018 World 9-Ball Championship sa Doha, Qatar.
Makaraan ang impresibong panalo laban kina Lin Wu Kun ng Chinese-Taipei at Shane van Boening ng US sa quarterfinals at semifinals, ayon sa pagkakasunod, nawala sa porma si Biado sa final match na ginanap sa Al Arabi Sports Club.
Naghabol si Biado laban kay Filler sa race-to-13 finals, 9-7, matapos ang 16 racks.
Nakabawi ang tubong La Union, nakopo ang korona noong 2017, at kinuha ang sumunod na apat na racks upang tapyasin ang kalamangan sa 11-10.
Subalit ito na lamang ang pinakamaganda niyang nagawa.
Kinuha ni Filler ang mga sumunod na racks upang pataubin ang Filipino cue artist.
Bago sumalang sa finals ay pinataob ni Biado si Lin, 14-11, sa quarterfinal round at inilampaso si Boening, 11-6, sa semis.
Samantala, naungusan ni Filler si Alexandros Kazakis ng Greece, 11-10, sa isa pang semis pair-ing upang maisaayos ang title duel kay Biado.
Comments are closed.