KAUGNAY sa pagdiriwang ng World Pandesal Day sa Lunes, Oktubre 16, mamumudmod ng 100,000 piraso ng libreng pandesal ang Kamuning Bakery Cafe sa Quezon City.
Ang unang “World Pandesal Day” civic and cultural project ay inilunsad noong Oktubre 16, 2015 sa Kamuning Bakery Café sa Quezon City kasama ang mga espesyal na panauhin na sina GMA Network, Inc. Chairman Atty. Felipe Gozon, Senator Sonny Angara at National Youth Commission (NYC) Commissioner at aktor na si Dingdong Dantes.
Ang Oktubre 16 ay idineklarang “World Food Day” din ng United Nations upang maitaas ang kamalayan sa mga pandaigdigang problema ng kagutuman at seguridad sa pagkain.
Ayon kay Wilson Lee Flores,may ari ng Kamuning Bakery, ang philanthropic project na ito ng pamimigay ng 100,000 libreng tinapay at iba pang pagkain sa mga pamilyang maralitang taga-lungsod at mga orphanage tuwing Oktubre 16 ay hango sa himala sa Bibliya ng isang batang lalaki na nagbigay ng limang tinapay at dalawang isda, na ipinakain ni Jesu-Kristo sa libo-libong tao.
Ang World Pandesal Day ay may suporta ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc. (FFCCCII), Chinese General Hospital, Philippine Foremost Milling, San Miguel Mills, Mondelez Philippines, Hobe Noodles, Mega Sardines, King Sue Ham, Yan Yan International Phils. Inc., Nash Coffee, Caltex sa Iba Malhacan Road sa Meycauayan Exit ng Bulacan, Cathedral Cargo Movers Trucking at Pagcor.
Kabilang sa mga nangungunang lider na nagpadala ng pagbati sa taunang World Pandesal Day ay sina Vice-President Sara Duterte Carpio, Senator Sherwin Gatchalian, Quezon City Mayor Joy Belmonte at iba pa.
Inaanyayahan ang publiko sa pagdiriwang na ito sa Lunes, ganap na alas-10 ng umaga.
Sa bisperas ng World Pandesal Day, ngayong Linggo, Oktubre 15 ay magkakaroon ng libreng medical at dental mission mula 8 ng umaga hanggang 12 ng tanghali sa Kamuning Bakery Café.