UPANG makapagbigay ng mas malawak na kaalaman tungkol sa proseso at pamantayan sa procurement ng mga kagamitan pati na ng mga tulong pang-agrikultura na ipinapamahagi sa mga magsasaka, sumailalim sa Government Procurement Policy Board (GPPB) Training ang mga implementers ng Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) program sa Camarines Sur.
Ang nasabing training ay pinangunahan nina Editha Nota at Atty. Eleanor Echano mula sa Commission of Audit (COA) Regional Office No. 5.
Ito ay dinaluhan ng regional at provincial SAAD implementers kasama ang APCO ng Masbate na si Wilfredo D. Nelmida, APCO ng Sorsogon at Albay na si Florentino D. Ubalde at ROS Superintendent ng Catanduanes na si Dean Medrano.
Sa unang araw ng aktibidad, tinalakay ang pangunahing kaalaman at kahalagahan ng pagkakaroon ng pamantayan sa pagbili ng mga kagamitan, serbisyo at mga Infrastructure projects sa gobyerno.
Sa ikalawang araw ay ibinahagi ang mga kwalipikasyon ng mga bidders, pamantayang proseso ng government procurement at mga kinakailangang dokumento upang makapagsumite ng mga panukala na gagamitin sa pagsasagawa ng mga programa.
Layunin ng aktibidad na ito na mabigyan ng mas malalim na pag-unawa ang mga implementers ng SAAD program kung papaano ang proseso ng pagpili at pagbili ng mga kagamitan at serbisyo na kinakailangan sa pagpapatakbo ng programa.
Nagpahayag naman ang OIC – Regional Technical Director ng Operations na si Dr. Mary Grace Rodriguez ng pagpapahalaga at pasasalamat sa pagsisikap ng lahat ng SAAD implementers sa rehiyon.
“Dahil sa mga mabuting nagawa ng SAAD sa probinsya ng Masbate, Catanduanes at Sorsogon, marami ang sumuporta sa kongreso upang maipagpatuloy ang proyektong ito, marami ang naka-appreciate. Ang SAAD Bicol staff, isa kayo sa most capacitated staff ng DA. I hope at the end of the day, lahat tayo ay may matutunan at babalik tayo sa opsina na mayroon tayong pwedeng gawing pagbabago at maibahagi din sa iba nating katrabaho ang mga nalaman natin tungkol sa mga training” ayon kay Rodriguez.
Sa pamamagitan ng aktibidad na ito, masisigurado na ang mga SAAD Bicol implementers ay may sapat na kaalaman at preparado sa pagpapatupad ng proyekto.
RUBEN FUENTES