(ni ANGELO BAIÑO)
SA LAHAT ng trese, 13th month pay bonus lang yata ang itinuturing na suwerte, malas lang kapag naubos ito sa loob ng 13 days. Ngunit saan nga ba aabot ang bonus na natanggap?
Narito ang ilang tips para humaba ang buhay ni 13th month pay:
PAY YOURSELF FIRST
Bagong damit?
Bibili ng bagong gadget?
Magta-travel?
Hindi ito ang depinisyon ng mga salitang “pay yourself first”. Kapag bumili ka ng damit o gadget, sino ang binayaran mo? Si cashier. Kapag nag-travel ka, sino ang binayaran mo? Si travel agency.
Ibig sabihin ng “pay yourself first” ay bayaran mo muna ang sarili mo sa pamamagitan ng pag-iipon. Ihulog mo muna at least 20% ng bonus mo sa alkansiya o sa bangko, para sa oras ng pangangailangan ay may mabubunot ka.
PLANUHIN ANG MGA GASTUSIN
Para hindi agad maubos ang bonus, matutong mag-budget. Ilista na kung ilan ang mga inaanak o kamag-anak na reregaluhan. Sa ganitong paraan, malalaman mo kung magkano ang iyong magagastos para sa regalo.
Mag-budget din at ilista ang mga imbitadong bisita para malaman kung gaano lang karami ang ihahanda mo sa nalalapit na Kapaskuhan. Iwas-sayang na pagkain at tiyak, makatitipid ka.
IWASAN ANG PAGIGING GALANTE
Ito ang sakit ng mga taong may hawak na malaking pera o nakatanggap ng kanilang bonus, ang pagiging galante. One-day millionaire ang peg. Nagpapaulan ng pera tapos ang ending kinabukasan ay nganga.
Marami siguro sa atin ang nalilito sa mga salitang “matulungin” at “galante”.
Kapag sinabing matulungin, tinutulungan mo ‘yung kung sino ang nangangailangan. Kapag sinabing galante, binibigyan mo ‘yung hindi naman dapat bigyan.
Walang masamang tumulong o ang maging galante, basta’t ‘wag lang makokompromiso o mauubos ang iyong budget.
DEFINE NEEDS AND WANTS
Dapat unahin ang needs o pangangailangan kaysa sa wants o ang luho. Diyan nauubos ang pera ni Juan dahil inuuna ang luho kaysa sa pangan-gailangan. Bibili nang mamahaling damit at gadget kahit mayroon pa namang nagagamit, kakain sa mamahaling restaurant kaysa sa mga affordable na kainan.
Mahalagang alam natin ang dapat unahin gaya ng healthy na pagkain, gastusin sa bahay, damit na hindi mamahalin at pagbabayad ng utang sa tamang oras.
Okey lang naman kung bibili ng bagong gamit para sa sarili o ang kumain sa mamahaling restaurant, ang mahalaga ay hindi ang savings ang mag-agamit sa pagwawaldas.
LIMITAHAN ANG PAGPUNTA SA MALL
Sa lugar na ito nasisira ang lahat ng pangako. Nangakong kokompletuhin lang ang 10,000 steps, pero lalabas ng mall na may bitbit na kahon ng sapa-tos at bagong gadget. Nangakong magwi-window shopping lang, pero lalabas ng mall na may bitbit na bagong relo, lipstick at bracelet. Kaya ang resulta, pabigat nang pabigat ang bitbit, pero pagaan nang pagaan ang wallet.
Dito nauubos ang bonus, dahil marami tayong hawak na pera, marami rin tayong gustong bilhin. Kapag nakakita ng pulang bandila, una-unahan sa pagtakbo na tila daig pa ang mga atleta sa SEA Games.
Finish line na maituturing ng isang shopaholic na tao, pero ito ang kompetisyon na uuwi ang bulsa mo ng luhaan at punit-punit.
Minsan lang sa isang taon nakatatanggap ng 13th month pay, kaya maging wais sa paggamit nito. Unahin ang pangangailangan kaysa sa luho. Wa-lang masamang gumastos o ang bumili ng mga bagong gamit, ang masama ay iyong wala kang naitabi na kahit na kaunti para sa panahon ng kagipitan. Pahalagahan ang bawat pisong pinaghirapan para ang bonus ay hindi agad maubos. (photos mula sa google)
Comments are closed.