Saan lumipad at dumapo ang kulasisi ng hari?

KULASISI  ng hari, lumipad at dumapo sa isang binibini, buhok niya’y kulot, mahaba at itim, ngunit ang kulay ng damit niya’y puti!

Bago ang lahat, kilalanin muna natin kung ano ang kulasisi. Ang kulasisi ay isang espesye ng ng lorong kabilang sa pamilya ng mga Psittacidae. Colasisi ito sa Spanish, at hanging parrot naman sa English. Katangian ng mga kulasisi ang magpabitin-bitin sa mga sanga ng puno. Ang katangiang ito ang pinagmulan ng kanilang pangalan sa Pilipinas, na siya ring dahilan kung bakit tinawag na kulasisi ang mga mistress at ginamit na rin ito sa isang larong sikat na sikat noong unang panahon.

Ang “Kulasisi ng Hari” ay isang laro noong unang panahon na karaniwang ginagamit ng mga dalaga at binata sa lamay ng patay. Palibhasa’y hindi uso noon ang pagpapasugal, nilalaro ang kulasisi ng hari upang hindi antukin ang mga naglalamay.

Sa katagalugan, sinasabayan ang kulasisi ng hari ng pag-inom ng mainit na tsaa o salabat, at sumang balinghoy (cassava). Ito ay upang hindi mapaos ang mga naglalaro.

Sa grupo ng mga Kabataang babae at lalaki, pipili ng isang lalaking aakto bilang hari. May isang singsing na paiikutin sa lahat, at itatago ng isa sa kanila. Ang nagtago ng singsing ay siyang kulasisi ng hari. Katangian ng kulasisi ang hilig sa mga makikislap na bagay, dahilan kaya kinuha niya ang singsing na hinahanap ng hari.

Hari – Nasaan? Nasaan ang singsing?
Kawal na lalaki – Mahal na hari, dinagit po ng kulasisi
Hari – Nasaan ang kulasisi?
Isa pang kawal – Wala po dito. NLumipad, lumipad!
Hari – Hanapin ang kulasisi! Ngayon din!
Ministro – Kulasisi ng hari, nasa iyo ba, kawal?
Kawal – wala po dito!
Ministro – Kung gayo’y nasaan?
Kawal – Kulasisi ng hari, lumipad at dumapo sa isang binibini, buhok niya’y kulot, mahaba at itim, ngunit ang kulay ng damit niya’y puti!
Binibini – wala po dito!
Ministro – Nasaan?
Binibini – Kanina’y narito ngunit umalis na. Lumipad at dumapo sa _______!

Magpapatuloy ang paghahanap sa kulasisi, at patuloy namang itatanggi ito kahit pa matanong ang naatasang kulasisi. Sa tagal ng paghahanap, magdedesisyon ang Ministro na hulaan kung sino ang kulasisi at kapag siya ay nahuli, siya ay parurusahan ng hari. Pwedeng pagtitimplahin ng kape para sa lahat, pasasayawin, pakakantahin, ngunit ang paborito ng mga Kabataan noon ay pagsasabit ng ilong sa pako.

Kadalasang inaabot ng madaling araw ang larong ito dahil hindi mahulaan ng ministro kung nasaan ang kulasisi. NLVN