SAAN MO GAGASTUSIN ANG IYONG 13TH MONTH PAY?

PARA sa maraming manggagawang Pinoy, isa sa pinakaaabangan ngayong panahon ng Kapasukahan ay ang 13th month pay at bonus.

Ang iba ay may 14th (o 15th, at iba pa) month pay pa nga. May ilang nakatanggap na rin ng maagang bayad, samantalang ang iba ay sa Disyembre pa mabibigyan.

Para sa marami, ang perang ito ay ginagamit para sa pagse-celebrate ng Pasko, sa paglilibang, pagbili ng regalo, panghanda sa mga okasyon, o ‘di kaya naman ay para i-pamper ang sarili, self-care, kumbaga.

Itinuturing nilang reward ito para sa mga pagtitiyaga sa buong taon. May ilan ding ginagamit ang pagkakataon para bumili ng mga bagay na pinag-iipunan kagaya ng appliances, sasakyan, mamahaling gamit at gadgets, travel, o bahay pa nga para sa ilan.

Mayroon namang marami sa atin na itinatabi ang buong halaga, o bahagi nito, para sa savings o investment. Ang iba naman ay ginagamit ang pera para sa mga pagkakautang na dapat bayaran.

Anuman ang mapagdesisyunan mong gawin sa iyong 13th month pay at bonus, siguruhin lamang na maging matalino ka sa paggamit nito.

Puwedeng gamitin ang perang ito upang simulan ang isang negosyo, o kaya naman ay mag-enroll sa isang course o training para magamit ang kaalaman sa negosyong napili. Maaari ring gamitin ang bahagi nito para idagdag sa high-interest fund na puwedeng maging emergency fund o retirement fund. At hindi rin natin dapat kalimutan na puwede nating gamitin ang bahagi ng ating pera upang mag-donate sa simbahan, sa mga charity na sinusuportahan natin, o magbahagi sa kapwa na nangangailangan.

Pag-isipan mong mabuti kung ano ang iyong goal para sa susunod na taon, at doon mo ibuhos ang bahagi ng iyong bonus/13th month pay.