PORMAL nang sinimulan kahapon ng Department of Health (DOH) ang pagdaraos ng ‘Sabayang Patak kontra Polio’ sa ilang lugar sa bansa.
Target ng naturang aktibidad, na pinangunahan mismo ng mga opisyal ng DOH, na mabakunahan laban sa naturang sakit ang mga batang nagkaka-edad ng limang taong gulang pababa.
Nabatid na isinagawa ng DOH ang pagbabakuna sa iba’t ibang prayoridad na lugar sa bansa, kabilang ang National Capital Region (NCR), at ilang lugar sa Mindanao gaya ng Marawi City, Lanao del Sur, Davao City at Davao del Sur, bilang tugon sa muling pagkakaroon ng kaso ng Polio sa Filipinas.
Ang pag-arangkada ng sabayang pagbabakuna ay magtatagal hanggang sa Oktubre 27.
Ang susunod namang iskedyul ay itinakda ng DOH sa Nobyembre 25 hanggang Disyembre 7, 2019, sa buong Mindanao at NCR at sa Enero 6 hanggang 8, 2020 naman sa buong Mindanao.
Nagpaalala naman ang DOH sa mga magulang na mula sa mga lugar na hindi nabanggit, na kumpletuhin ang bakuna ng bata ayon sa immunization schedule ng mga ito.
Pinapayuhan rin nito ang mga magulang na tiyaking kumpleto ang bakuna ng kanilang mga anak, dahil ito lamang anila ang pinakamabisang proteksyon ng mga ito laban sa polio at iba pang karamdaman.
Matatandaang nagpasya ang DOH na maglunsad ng mass polio immunization sa bansa, nang muling makapagtala ng dalawang bagong kaso ng sakit, matapos ang 19-taong pagiging polio-free. ANA ROSARIO HERNANDEZ