Sabi ng Nanay …

“Sabi ng nanay, sabi ng nanay noong araw ay kaiba, kung mag-asawa ang isang binata at isang dalaga”

Noong araw daw, sabi ng nanay ko, mula pa sa panahon ng lola ko hanggang early 1900s, kakaiba ang pagkakaroon ng romantic relationship sa isang baba­eng Filipina kumpara sa ligawan ngayon, dahil napakakumplikado nito at napakarami pang requirements at prosesong napaka-demanding.

Panahon po ng nanay ko ang usapan dito, at ang nanay ko ay ipinanganak noong 1934. Meaning, nagdalaga siya noong 1940s, na ang hemline ng damit ay lampas-tuhod, at ang babaeng nagpapantalon ay tomboy.

Nakaugalian daw noon o isa itong traditional custom, na ang manliligaw ay inaasahang maninilbihan sa pamilya ng babae bago ikasal. Magsisibak ng kahoy na panggatong dahil hindi pa uso ang LPG at bihira pa ang kusinilya at lutuang de gas; mag-iigib ng tubig dahil wala pang water system kahit sa Maynila (1958 po nagkaroon ng maayos na water system sa bansa); magbubunot ng sahig dahil kelan lang naman nauso ng vacuum cleaner (inabot ko pa yung pagbubunot ng sahig); at kung minsan, kasama pa sa palengke para tagabitbit ng mabigat na basket na puno ng pinamili. I remember, sa halagang P10 nung bata pa ako, puno na ang basket. Hindi ko matandaan ang mga presyo ng bilihin, pero ang bigas, P0.70 ang salop (2.5 kilos) pero mahal daw sabi ng nanay ko.

Pero hindi po ibig sabihin nitong kapag nanilbihan ang lalaki ay ikakasal na sila ng dalagang nililigawan. Paraan lang ito para makumbinsi ang magulang na karapat-dapat siyang manligaw sa kanilang dalaga. Ika nga, sa magulang muna magsasabi bago sa dalaga. Pag hindi pumayag ang peyrents, hindi makakapanilbihan ang binata kaya walang ligawang magaganap.

Sakaling makalusot sa mahigpit na magulang, matagal ang pani­nilbihan. Inaabot ito ng maraming buwan, minsan nga, ilang taon pa. At wala pa ring kasiguruhang maikakasal siya sa dalagang pinipintuho.

Sinusubok din kasi ng pamilya ng babae at ng babae mismo, kung gaano katapat ang kanyang layunin.

Kung hindi niya kayang maghintay, that means hindi tapat ang kanyang layunin.

Sakaling ibinigay na ng dalaga ang kanyang matamis na “Oo”, hindi pa nagtatapos ang hirap ng binata. Kailangan niyang maghanda ng malaking halaga para sa dowry at sa marangyang kasalan.

Ang dowry ay pwedeng kalabaw o baka, o lupain — pwede ring alahas — depende sa katayuan sa buhay ng dalagang napili niya.

Mas mayaman ang pamilya ng dalaga, mas malaki ang dowry. Kaya kapag nagkataong mahirap lamang ang lalaki at mayaman ang babae, mahihirapan ang binatang magkalakas ng loob na magpahayag ng pag-ibig.

Swerte kung nagustuhan din siya ng dalaga, kaya mauuwi ito sa pagtatanan — na natural lamang na ikagagalit ng magulang ng babae.

Sa panahon ngayon, paano ba magkaasawa?

Nagliligawan sa text at kapag nag-eyeball, diretsong motel na. Walang hele-hele bago quierre (pakipot pa gusto pala). Kung mabuntis, pwedeng pakasal sa juez (judge) o hindi na lang — live in na lang. O kaya naman, maghiwalay na parang walang nangyari.

Sabi ni Nanay, noong araw, bihirang mag-asawa ang naghihiwalay.

Ngayon, sa sampung nagpakasal, isa lang ang mag-i-stick together hanggang tumanda. Sa­na, kasama ka sa 10% ng mga happily married sa Pilipinas.

RLVN