PINAGPAPALIWANAG ngayon si Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) spokesperson Winston Casio hinggil sa kumalat na video ng pananampal sa isinagawang pagsalakay ng PAOCC sa isang Philippine offshore gaming operation (POGO) hub sa Bagac, Bataan.
Agad na sinibak sa kanyang puwesto si Casio at isinailalim sa administrative probe kasunod ng sinasabing pagmaltrato sa isang Pinoy sa sinalakay na POGO hub nitong Oktubre 31.
Kinumpirma kahapon ni Executive Secretary Lucas Bersamin na ipinag-utos kay Casio, “explain actuations in writing” ang naging aksyon nito sa naturang raid.
Sinasabing ito ang naging basehan ng pamunuan ng PAOCC na magpalabas ng memorandum nagbigay ng mandato laban kay Casio na gumawa ng isang written explanation sa loob ng 24 oras.
Isinasaad din sa pinalabas na memorandum kay Casio na siya ay “relieved of [his] responsibilities as spokesperson for PAOCC effective immediately and until the completion of the investigation.”
“The incident occurred following the execution of a Search Warrant at that location and is reported to have been documented, with the footage now circulating on social media platforms,” ayon sa memorandum.
“Your immediate response is crucial, as it will significantly influence the Office’s consideration of any subsequent actions. It is critical for you to comprehend that any failure to provide your explanation will be deemed a waiver of your right to contribute to this process,” dagdag pa sa kalatas.
VERLIN RUIZ