MAYNILA – KUYOG sa mga residente ang inabot ng isang kilalang gumagamit umano ng droga matapos ang umano’y manunog ng kanilang bahay na sanhi ng pagkatupok ng 50 pang kabahayan sa Tondo.
Bugbog sarado ang suspek na si Aldrine “Bindong” Manansala, 22, residente ng 725 Int. 44 Laong Nasa, Tondo.
Ayon sa inisyal na ulat ni SFO1 Christian Bag- Id, ground commander, nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng bahay ng suspek dakong alas-8:31 ng gabi na agad umakyat sa ika-4 na alarma dahil gawa sa kahoy ang ilan sa mga kabahayan.
Anim na residente naman ang naitalang nagtamo ng sugat, nahirapang huminga bunsod ng makapal na usok.
Nakilala ang mga ito na sina Nenita lardizabal, 64, Gerald Brown, 38, Imee Perayre, 20; Liezel Mislos, 42; Manuel Corpuz 64 at isa pang hindi na-pangalanan.
Sinabi naman ni Insp.Lucio Albaracin, ililipat sa kustodiya ngayong araw sa BFP ang suspek gayunman kapag wala aniyang complainant sa loob ng 36 oras ay ire-release rin ang suspek.
Sa panayam naman ng kaanak ng suspek na si Tane Manansala, sinabi nito na naiwang kandila ang sanhi ng sunog at hindi sinadya ng kanyang pamangkin na manunog ng bahay.
Aminado naman ang tiyahin na dating gumagamit ng droga ang suspek. Nakapiit na ngayon sa Tayuman PCP ang suspek.
Tinatayang aabot sa P1 milyon ang halaga ng pinsala habang 150 pamilya naman ang nawalan ng tirahan sa sunog na idineklarang fire out ganap na alas- 12:10 na Linggo ng madaling araw . PAUL ROLDAN
Comments are closed.