“MAN’S inhumanity to man.”
‘Yan ang mga katagang aking narinig sa mga kaibigang banyaga na aking nakapanayam noong nakaraang WORLD SLASHER CUP na ginanap sa Araneta Coliseum. Sa aking pananaw ay mahirap na pong mabago ang pag-iisip ng mga nagsusulong at sumusuporta sa ANIMAL RIGHTS MOVEMENT dahil sa kanila pong pananaw at argumento at kahit saan tingnan ay talagang kalupitan sa hayop ang sabong na dapat ng itigil ‘di lamang sa Filipinas kundi sa buong mundo. Madalas po na tayo ay naihahalin-tulad sa mga BARBARO o mga taong nabubuhay sa nakaraan kung saan ang lahat ng bagay ay walang kaayusan at walang batas.
Nakalulungkot mang sabihin subalit tama ang mga katagang KALUPITAN NG TAO SA KAPUWA TAO. Paggalang at malawak na pang-unawa sa kultura at tradisyon ng bawat bansa ang dapat manaig sa bawat isa. When you are in ROME, do what the Romans do, mga katagang simple laming ngunit malinaw na nagpapaalala na galangin natin ang tradisyon at kultura ng bawat bansa.
Kung hindi katanggap-tangap sa kanila ang pagkain ng balut, eh ‘di huwag silang kumain Ganyan din po ang aking paninidigan pagdating sa sabong.
Kung ito ay ‘di ninyo gusto, aba ay huwag ninyo kaming pakialaman at ipagduldulan ninyo sa aming lalamunan ang inyong mga paniwala sa buhay dahil hindi namin kayo pinakikialaman at iginagalang po namin ang inyong mga paniwala.
Sa mga tinaguriang FIRST WORLD COUNTRIES kung saan sila ay lubhang mga hitech na at makabago ay walang lugar ang ganitong klaseng libangan sa kanila subalit ok lang na manood sila ng mga taong halos magpatayan na sa ring tulad ng BOXING, UFC at ano pa mang paligsahan kung saan nagkakasakitan ang mga magkatunggali.
Sa isang makasaysayang labanan nina MUHAMMAD ALI at JOE FRAZIER na tinaguriang THRILLA IN MANILA na ginanap sa ARANETA COLISEUM noong 1975, malinaw sa labang ito na sa anumang oras malamang ay may mamatay sa dalawang magigiting na boksingero dahil sa natamong bugbog sa mga naglalakasang suntok mula sa magkalabang ito. Sabi nga ni NENE ARANETA, ang may-ari ng ARANETA COLISEUM, “Halos ako ay magmakaawa sa dalawa na itigil na ang laban dahil grabe na ang pasa sa mukha at katawan nina ALI AT FRAZIER,” literal na sila ay hapong-hapo na at dito sinabi ni ANGELO DUNDEE kay MUHAMMAD ALI, this time we will separate the men from the boys, ito ang hamon ng batikang handler/trainer coach ni Ali hanggang sa ika-14 na round ng laban.
Dito sa puntong ito ay sumuko na ang kampo ni JOE FRAZIER at sinabing hindi na kaya pang magpatuloy ng magiting na boksingero. Sa isang panayam ay inamin ni ALI na itong laban na ito ang pinakamahirap na kanyang pinagdaanan sa kanyang career at mismong si NENE ARANETA ang nagsabing, “’Di ba mas maganda at katangap-tanggap na manok na lamang ang maglalaban at magpatayan sa ruweda kaysa makita nating mga tao ang naglalaban?”
May punto ang mga katagang ito subalit sa mga banyaga para sa kanila, hindi dapat ginagamit ang mga hayop sa anumang uri ng entertainment tulad ng circus, animal sport at iba pa. Para sa kanila, tulad ng tao ang mga hayop ay may karapatan din. Marami na pong bansa na nagtagumpay na ipatigil ang mga tradisyong ito tulad ng BULLFIGHTING sa Espanya, ang paggamit ng mga hayop sa circus, labanan ng mga aso at marami pang iba. Ang manok panabong ay nilalang ng Diyos at sila lamang ang hayop na sa pagdating ng takdang panahon ay magpapatayan upang kanilang ipagtanggol ang kanilang teritoryo at mga babae sa kanyang paligid.
Ang pagtatalo tungkol dito ay mauuwi lamang sa lalong ‘di pagkakaintindihan dahil iba ang kanilang punto de bista kumpara sa ating mga sabungero. Sa ganang akin, ang milyon-milyong manok na pinapatay araw-araw sa buong mundo nang walang kalaban-laban ay ‘di ba kalupitan ding maituturing?
Sa kanilang depensa, ok lang daw ito dahil ito ay ating kakainin, nakakatuwang dahilan subalit kung iyong susuriin, hindi ba mas magandang bigyan mo ng pag-asa ang magkalabang manok na patunayan ang kanilang lahi at kung sino ang tatanghaling wagi ay gagamitin sa pagpapalahi?
Lingid sa kaalaman ng mga hindi naiintindihan ang isport na sabong, ang mga manok panabong ay maituturing na pinakamasarap ang buhay sa mga nilalang ng Diyos, bakit dahil sila ay binigyan ng pagkalinga tulad ng pag-aalaga sa isang bata o atletang hinahanda sa laban. Masasarap na pagkain, bitamina, suplemento at lugar na maaliwalas, malinis na inumin at lugar na malawak silang makakagala o kaya naman ay talian na may silungan at sa tamang oras sila ay pinapakain at binibigyan ng tubig.
Buwan-buwan ay pinupurga at pinaliliguan upang walang mga bulate, hanip, kuto o mga parasites na maaaring makasira ng kanilang kalusugan. Totoo pong mahirap arukin kung bakit namin ginagawa ang mga ito, simple lamang po ang aking paliwanag ang kaligayahang naidudulot ng sabong sa buhay ng mga sabungero ay ‘di kayang masukat ng anumang materyal na bagay dahil sa kanilang bibig mismo inyong maririnig na ito ang nagpapasigla sa kanila, isang therapy, nagtatanggal ng STRESS at walang kaduda-dudang nagpapahaba ng buhay ng mga sabungero. May mga pag-aaral na pong ginawa dito sa Amerika at ‘yan po ang aking tatalakayin sa susunod na Linggo.
Maraming salamat po sa inyong pagtangkilik at panonood sa TUKAAN tuwing Linggo, 8:00 am sa ABC 5. Kung mayroon po kayong katanungan at gustong maliwanagan, maaari po ninyo akong tawagan sa CP# 0917 848 1276.
Comments are closed.